MAGTUTULUNGAN ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matiyak na magiging maayos ang pamumuno sa bansa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang inihayag ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. matapos makausap si AFP chief of staff General Andres Centino.
Nitong weekend ay kumalat sa social media ang isang memorandum kung saan itinataas ang alerto ng pulisya dahil sa umano’y destabilization plot sa AFP.
Ayon kay Azurin, walang katotohanan ang kumalat na impormasyon at iniimbestigahan na ng Police Regional Office (PRO) Cordillera ang isang Police Lieutenant Colonel Dexter Ominga na nakapirma sa sinasabing memorandum.
Normal aniya na nakaalerto ang PNP at AFP sa tuwing nagkakaroon ng change of command ceremony lalo’t dinadaluhan ito ng Pangulo.
Dagdag pa ni Azurin, sumasailalim lamang sa maintenance checkup ang Winner B150 helicopter sa Camp Crame na kumalat din sa social media.