NAGTUTULUNGAN ang Philippine National Police (PNP) Forensic Group at National Bureau of Investigation (NBI) upang makuha ang lahat ng ebidensiya sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito ang iginiit ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. matapos muling mag-convene ang Special Investigation Task Group (SITG) Degamo upang talakayin ang itinatakbo ng imbestigasyon sa kaso sa Senado.
Ayon kay Acorda, gagamitin ang lahat ng makakalap na ebidensiya upang masampahan ng reklamo ang mga suspek sa likod ng pagpaslang sa gobernador.
Una nang tinukoy si Marvin Miranda, dating bodyguard ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves, Jr. na utak sa krimen.
Tiniyak din ni Acorda na mabibigyan ng hustisya ang pamilya Degamo at iba pang biktima ng karumal-dumal na krimen sa probinsiya.