KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) ang malaking partisipasyon ng isa sa mga tauhan ni ex-Governor Pryde Henry Teves na kinilalang si Nigel Electona.
Si Electona ay isa sa tatlong naaresto sa isang raid na isinagawa ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa HDJ Bayawan Agri-Ventures Corp. Tolong Compound, na pag-aari ni Henry Teves sa Bayawan City.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Col. Jean Fajardo, batay sa report ng Special Investigation Task Group (SITG) Police Regional Office (PRO) 7, sa bisa ng isa pang search warrant, narekober mula sa bahay ni Electona ang ilang larawan ng pamilya Degamo, sketch ng mapa sa compound ng mga Degamo, ruta patungo sa tinitirhan ng biktima at maging ang larawan ng gate sa bahay ng gobernador.
Bukod dito, napag-alaman din ng SITG PRO 7 na isa si Electona sa mga kasama sa nagplano, nagbriefing at tumulong sa gunmen na may aktuwal na partisipasyon sa pamamaslang kay Gov. Roel Degamo.
Kaugnay rito, naniniwala ang PNP na maraming dapat na ipaliwanag si dating Gov. Henry Teves hindi lang sa pag-iingat ng napakaraming de-kalibreng armas, mga bala, IED at pera kundi maging ang kaugnayan ng kaniyang mga tauhan sa pagpatay kay Degamo.
Samantala, itinuturing na welcome development para sa PNP ang diumano’y kagustuhan ni Henry Teves na makipagtulungan sa PNP para linisin ang pangalan nito mula sa naturang mga alegasyon.
