PNP checkpoint sa Brgy. Cawayan sa Calinan sa Davao City, inirereklamo

PNP checkpoint sa Brgy. Cawayan sa Calinan sa Davao City, inirereklamo

DUMULOG ang ilang residente partikular na ang mga ombak o e-trike driver sa Brgy. Tamayong, Davao City.

Inirereklamo nila ang checkpoint ng Philippine National Police (PNP) na nakaposisyon sa Brgy. Cawayan sa Calinan, Davao City.

Perwisyo kasi ang nasabing checkpoint para sa mga nagmamaneho ng e-trike at ng mga malalaking truck dahil sa napakaraming harang.

“Madali lang masira ang bearing sa harapan dahil masyadong matigas ang niyog. Sana ‘yung malambot-lambot lang. Maraming harang kasi,” ayon kay Ariel Sino, e-trike driver.

“Madami rin talaga. Kapag dumaan ‘yung ombak. Kaya [abala] para sa mga nagmamadali. Abala talaga ‘pag umaga. Ang mga guro, mastranded, matatagalan talaga sila nang konti,” ayon sa isa pang e-trike driver.

“Mahirap talaga para sa mga mahahabang sasakyan,” pahayag naman ni Sondo, truck driver.

“Abala talaga para sa mga mahahabang sasakyan,” dagdag nito.

Tunay na motibo ng PNP checkpoint sa Brgy. Cawayan sa Calinan sa Davao City, kuwestiyonable 

Pero bukod sa hassle, kuwestiyonable ayon sa mga residente ang nasabing checkpoint.

Ipinagtataka nila ang pagkakaroon nito sa nasabing lugar na para bang pinipunterya lamang ang Brgy. Tamayong.

“Abala talaga. Bakit may checkpoint pa doon na parang Tamayong lang binabantayan nila? Kasi ang pupuntahan dito, dalawa lang, Barangay Cawayan o Tamayong. Dapat kung mag-checkpoint sila, hindi doon. Doon sa highway kasi para lahat ng barangay ma-check nila,” ayon kay Pepito Putis, Kagawad, Barangay Tamayong.

Pinangangasiwaan ng Regional Mobile Force Battalion 11 sa ilalim ng pamumuno ni Police Captain John Louie Quibol ang nasabing checkpoint.

Tanong ng mga residente para saan ba talaga ito?

Bakit ang mga sasakyang papasok at palabas lang ng tamayong ang kanilang binabantayan?

“(Bakit po kailangan ng checkpoint sir?) ‘Yun na po mismo ‘yung reason – anti-insurgency.  (may monitor po ba dito?) Sir, confidential po kasi ‘yung info. Pwede po malaman ng kalaban,” wika ni Patrolman Harold Libunao, Regional Mobile Force Battalion 11.

“(Itong ginagawa nating inspection ay hindi para kay Pastor Quiboloy?) Hindi po,” dagdag ni Libunao.

Pero kung kontra-insurhensiya ang pakay ng checkpoint at hindi para kay Pastor Apollo C. Quiboloy ay bakit may nakapaskil na “wanted poster” ng Butihing Pastor kasama ang mga kapwa niya akusado?

“(Kung anti-insurgency, bakit nandito ‘yung posters nila Pastor Quiboloy?) Hindi ko po iyan masasagot sir. (bakit sir? Ikinabit lang ba iyan sir) sir ang makakasagot lang iyan ay si team leader. Hindi po kami required na sumagot sa inyo sir,” ani Libunao.

“(Pero ipinagtataka ng mga tao, bakit may poster eh hindi naman convicted. Bakit sila France Castro, ‘yun CPP-NPA talaga ‘yun, bakit wala sila sir?) Yun nga po sir, ang makakasagot sa inyo si team leader lang po,” aniya pa.

Pumalag ang isang opisyal ng Brgy. Tamayong sa ikinatwiran ng mga pulis dahil ang nasabing barangay ang isa sa mga mapayapang lugar sa Davao City. Isa pa, insurgency-free din ito.

Ayon pa kay Kagawad Pepito Putis na hindi naman uunlad ang Tamayong kung magulo ang nasabing barangay.

At dahil din nga aniya kay Pastor Apollo ay nagtuluy-tuloy ang pag-unlad ng Tamayong.

“Peaceful talaga ang Tamayong. Pinakasikat sa Mindanao,” dagdag ni Putis.

“Napakaganda talaga ng Tamayong. Totoo ‘yan, mayroon tayong gym at barangay hall. Ang dahilan d’yan ay si Pastor Apollo C. Quiboloy. Isa sa mga nagsikap para magkaroon ng mga ito ay si Pastor,” ayon pa kay Putis.

“Bakit ganun ang ginagawa nila kay Pastor Apollo C. Quiboloy? Napakabuti nga na tao ni Pastor. Wala naman talaga siyang ginagawang masama. Tumutulong pa nga. Bakit ganyan ang ginagawa nila? giit ni Putis.

Iniisa-isa ni Putis ang naitulong ni Pastor Apollo sa Tamayong mula sa pag-aaral ng mga batang residente sa pamamagitan ng pag-donate ng lupa na naging daan para maitayo ang Jose T. Quiboloy National High School hanggang sa pagpapagawa ng mga kalsada, patubig, at pagpapatayo iba’t ibang pasilidad gaya ng super health center, gym, at barangay hall.

“Napakalaking tulong talaga ni Pastor Apollo C. Quiboloy dito sa Tamayong. Una sa lahat sa mga bata. Kami talaga lahat dito sa Tamayong, natutulungan niya,” aniya pa.

“Kami rin ay nag-aalala dahil ano na lang ang mangyayari kung mawawala si Pastor. Napakasayang ng mga tulong ni Pastor kung mawawala lang siya. Hindi rin maayos dito kung wala talaga si Pastor,” dagdag nito.

Convicted na sina France Castro at Satur Ocampo, dapat na may wanted posters

Ikinagalit din ng Tamayong ang pagkabit ng mga pulis ng “wanted poster” ni Pastor Apollo sa nasabing checkpoint.

Anila, dapat mga pagmumukha ng mga kasapi ng CPP-NPA na sina France Castro at Satur Ocampo ang ginawan ng wanted posters dahil ang dalawa ay kapwa convicted sa kasong Child Abuse.

“Dapat sila ang patungan ng P10 milyon. Dapat may poster sila na may 20 metro ang laki at ‘yung malinaw ang kanilang pagmumukha. Sa plywood talaga dapat ilagay ang mukha nila. Hindi dapat nila iyan ginagawa kay Pastor. Sila ang may malaking pagkakasala,” ani Putis.

“Walang pinatay si Pastor. Bakit pinatungan nila ng P10 milyon na napakabuti niya. Dapat ‘yung maraming pinatay. ‘Yung mga may maraming kasalanan, dapat sila ang patungan ng P10 milyon.”

“Siguro illegal ‘yung pagkakabit ng mga poster kasi hindi dumaan sa city hall,” aniya.

Matatandaan na noon June 10, 2024 dalawa sa mga religious compound ng KOJC na nasa Tamayong, Davao City ay ilegal na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police Special Action Force at Criminal Investigation and Detection Group kasabay ng paglusob nila sa KOJC Central Headquarters.

Nito ring madaling araw ng Agosto 5, 2024, nilusob ng mga armadong pulis ang KOJC Farm sa Purok 2 sa Tamayong kung saan kanilang pinalabas sa pamamahay ang mga KOJC missionary, pinadapa, at tinutukan ng baril.

Ang karumal-dumal na sinapit ng mga KOJC missionary ay nakita ng mga batang nakatira rin sa nasabing lugar na nagdulot ng matinding trauma at takot.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble