INILARAWAN ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. na very professional ang working relationship nila ni Interior Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr.
Ito ay sa kabila ng pag-uugnay ng kalihim sa ilang matataas na opisyal ng PNP sa umano’y cover-up sa P6.7-B halaga ng shabu.
Kabilang dito sina dating PNP deputy chief for operations Police Lieutenant General Benjamin Santos at dating PDEG Director Police Brigadier General Narciso Domingo na ipinagtanggol ni Azurin sa nasabing isyu.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Azurin na walang gusot sa pagitan nila ng kalihim at iisa lamang ang kanilang direksyon na tinatahak.
Maaaring aniyang magkaiba lamang ang kanilang pamamaraan sa pagtugon sa mga isyu.
Kasabay nito, nanawagan si Azurin kay Abalos na pagkatiwalaan ang PNP sa paglutas sa isyu ng droga sa kanilang hanay.