MULING nagpaalala ang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa mga kawani nito na tiyaking nasa ligal na proseso ang pagdadala ng baril habang umiiral ang gun ban sa bansa.
Pinaalalahanan ang mga kawani ng pambansang pulisya kaugnay sa tamang proseso ng pagbibitbit ng baril ngayong umiiral ang COMELEC gun ban sa bansa.
Ayon pa kay PNP Chief PGen. Dionardo Carlos Carlos, karapatan ng taumbayan na maging mapagmasid sa mga kapulisan kung otorisado o hindi ang mga ito na magbitbit ng baril upang hindi magdulot ng kalituhan at gulo sa publiko.
Samantala, para naman sa mga pulis na nakadestino sa mga pagpapatrolya kasama na ang pagpapatupad ng COMELEC checkpoint, nagpaalala rin ang PNP na dapat ay visual search lamang ang gagawin ng mga pulis sa mga ikinakasang checkpoint.
Pero kung kinakailangan aniyang halughugin ang sasakyan lalo’t kung ito ay authorized ng batas ay gagawin ito ng mga pulis.
Kagaya ng mga pulis, lahat aniya nang indibdiwal na may hawak na baril ay dapat may maipakitang kopya ng valid Certificate of Authority na sila ay exempted sa gun ban at kung walang maipakita, sila ay kakasuhan ng paglabag sa Commission on Election (COMELEC) rules.
BASAHIN: Liquor, gun ban para sa 2022 elections itinakda na ng Comelec