NITONG nakaraang linggo, naging sentro ng kontrobersiya si Patrolman Francis Steve Fontillas matapos ang kaniyang matitinding patutsada laban sa matataas na opisyal ng PNP, kasunod ng umano’y iligal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nauna na niyang ipinaliwanag na opinyon lamang niya ang kaniyang mga sinabi at wala siyang kinakampihang administrasyon. Ngunit iginiit niyang mali at hindi nasunod ang tamang proseso ng pag-aresto sa dating Pangulo.
Una na niyang kinuwestiyon kung bakit tila naging mabilisan ang pagpapatupad ng pag-aresto kay Pangulong Duterte—wala man lang aniyang naibigay na legal na remedyo, walang kinatawan mula sa competent judicial authority, at hindi malinaw kung may warrant of arrest nga ba na iprinisinta.
Ngunit ayon sa PNP, ang lahat ng ito ay resulta lamang ng “mood swings” o pagiging mainitin ng ulo ni Fontillas.
Dahil dito, batay sa rekomendasyon ng kaniyang commanding officer, kinakailangang isailalim siya sa neuropsychiatric test upang matiyak kung may sapat pa siyang kakayahan na manatili sa PNP service.
“Siya po ay magsasailalim po siya sa neuro test, kung ano po ba ang kasalukuyang mental status…” wika ni PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.
Ayon sa paliwanag ng QCPD, bilang bahagi ng mga requirement para sa kanyang Return to Active Duty, sasailalim si Fontillas sa medical check-up at neuro exams—sa kabila ng kanyang pagsisisi sa kanyang mga naging pahayag, lalo na ang mga laban sa administrasyong Marcos Jr.
Agad ring nangako si Fontillas na hindi na siya magpo-post sa kanyang social media account ng anumang pahayag na kumokondena sa PNP at sa pamahalaan.
Pero giit ng PNP, malinaw na isang malaking paglabag ito sa kanilang polisiya—na nagbabawal sa mga pulis na maging partisan o makisawsaw sa politika.
Ang PNP ay patuloy na nagmamasid at nagpapataw ng mga hakbang upang matiyak na ang lahat ng kanilang mga tauhan ay sumusunod sa kanilang mga alituntunin at hindi nasasangkot sa anumang politikal na aktibidad.