NAKAHANDANG magbigay ng libreng sakay ang Philippine National Police (PNP) sa mga maaapektuhan ng tigil-pasada ng transport groups sa susunod na linggo.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ipinag-utos ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. na ihanda ang lahat ng mobility assets ng PNP para sa mga walang masasakyan.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang PNP sa local government units (LGUs) sakaling kailanganin ang kanilang tulong.
Una nang tiniyak ng PNP na mahigpit nilang paiiralin ang maximum tolerance at nanawagan sa transport groups na sumunod sa batas.
Sa Lunes, Marso 6 ay sisimulan ang isang linggong tigil pasada bilang patututol sa pagphase-out sa mga tradisyunal na jeep.