PNP Maritime Patrol, tutulong sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea

NAKAHANDANG ipagamit ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng kanilang maritime assets bilang suporta sa laban ng Pilipinas sa disputed island sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod ito sa nakikitang tumitinding sitwasyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa patuloy na pamamalaot ng mga barko nito sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.

Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, bukas ang PNP na maging kaakibat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglalayag sa mga teritoryong sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

“Ang PNP po ay palaging sumusuporta sa AFP sa lahat ng mga banta laban sa ating bansa. Ang unang nakatalaga talaga diyan ay ang Philippine Navy, kami naman ay handang sumuporta doon sa kanila para pangalagaan ang karapatan natin sa West Philippine Sea,” pahayag ni Sinas.

Ayon naman kay PNP Maritime Group Director Police Brigadier General John Mitchel Jamili, mayroon silang isinasagawang coastal patrols sa Region 1, Region 3 , Region 4B at Palawan partikular na coastal areas na nakaharap sa WPS.

“We have these smaller boats that are capable of patrolling up to the Contiguous Zone only and that is 24 nautical miles from here, archipelagic baselines. So, hanggang doon lang po kami sa ngayon because we have no bigger boats but the PNP Maritime Group is very willing to patrol up to the Exclusive Economic Zone that is why we have this wishlist to have a bigger ships,” ayon kay Jamili.

Samantala, nauna nang tiniyak ng AFP na tuloy-tuloy ang kanilang sovereignty patrol sa mga coastal areas malapit sa WPS.

(BASAHIN: Protesta laban sa China kaugnay sa WPS, ipagpatuloy —Rep. Biazon)

  SMNI NEWS