NAKIKIPAG-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) para sa mabilis na pagtugis kay Maimbung Sulu Ex-Vice Mayor Pando Mudjasan matapos nitong takasan ang arrest warrant ng mga awtoridad laban sa kaniya.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ginawa nila ang pakikipag-usap sa MNLF dahil matapos na mabatid na dating miyembro ng MNLF si Mudjasan ngunit kalauna’y itinatwa rin ng grupo dahil sa pagkakasangkot nito sa iba’t ibang uri ng krimen sa Sulu.
Sa ngayon, aminado ang PNP na bahagyang nahihirapan ang mga awtoridad sa pag-aresto kay Mudjasan dahil sa posibleng koneksiyon ng suspek sa ilang residente at halos kabisado rin nito ang lalawigan ng Sulu kung kaya’t hindi ito basta-bastang nahuhuli.
Gayunpaman, tiniyak ng PNP na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakalalabas ng probinsiya si Mudjasan kasabay ng paghihigpit ng PNP sa mga checkpoints at chokepoints sa probinsiya para matukoy ang grupo nito.
Batay sa tantiya ng PNP, nasa mahigit 30 katao, armado at malalakas ang hinahabol ngayon ng mga awtoridad kung kayat nananawagan din ang kapulisan sa mga residente na makipagtulungan sa ikadarakip sa mga suspek.
Bukod sa PNP, nakaalerto rin ang tropa ng militar sa buong border ng Bangsamoro Autonomous Region habang maiging pinag-aaralan ang pagtugis kay Mudjasan sa lalong madaling panahon.