NILINAW ng Philippine National Police (PNP) na hindi nito ipinagwawalang bahala ang mga ginagawang lightning rally ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Gayunpaman, sa programang Laban Kasama ang Bayan (LKAB) nitong Huwebes ay ipinaliwanag ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo na hindi basta-bastang makakapagsampa ng kaso ang pulisya sa mga komunistang grupo na nagrarally sa kalsada kung wala naman itong ginawang overt act o krimen.
Isa rin anya sa dahilan kung bakit hindi sila makapagsampa ng kaso ay dahil nagtatago sa maskara ang mga kalahok sa lightning rally kaya hindi nila matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Gayunpaman, pinaalalahanan na ng PNP ang mga pulisya sa kanilang dapat gawin upang hindi na maulit ang mga ganitong pangyayari at upang mas mapahusay ang kanilang pagtugon sa mga ganitong uri ng sitwasyon.
“Yung ating mga field commanders once again reminded that there should be a quick reaction in their part once they see a crime being committed in their presence, dapat immediately ang action nila. Hindi natin kailangan mag antay pa ng utos galing sa Camp Crame, galing NCRPO. The mere fact they were there in the presence there are crimes being committed dapat po immediately ang action nila,” ayon kay PCol. Jean Fajardo, spokesperson, PNP.
Samantala, nanawagan naman ang PNP sa mga natitira pang miyembro ng Communist Terorist Groups na mamulat na sa katotohanan, na walang patutunguhan ang kanilang pakikipaglaban sa gobyerno.
“Panahon na po para yakapin nyo po yung inooffer po ng gobyerno na bigyan natin ng pagkakataon ang kapayapaan sa buong bansa po natin,” dagdag pa nito.
PNP, nangakong magiging kaisa sa laban vs. CTGs
Sa huli, tiniyak ni PCol. Fajardo na magiging kaisa ang hanay ng pulisya sa labang ito upang tuluyang masugpo ng insurhensya sa ating bansa.
“Ang PNP po ay kaisa nyo sa hangarin nyo na matapos na itong insurhensya, matapos na itong panloloko at panlilinlang ng mga CTGs, kanilang mga democratic front,” dagdag pa ni Fajardo.
“Sa tulong po ninyo ay naniniwala po ang PNP na mawawakasan na po natin ito finally para sa ating bansa,” aniya pa.