NASA pag-aaral na ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng promotion ban sa mga pulis na masasangkot sa katiwalian sa loob ng limang taon.
Ayon ay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, ito’y kung ang tiwaling pulis ay minsan nang na-demote o di kaya’y nasuspinde dahil sa pagkakasangkot sa anumang kaso.
Sa ilalim kasi ng Republic Act 9708, hindi maaaring ma-promote ang isang pulis kung may kinahaharap itong kaso at dinirinig ito sa loob ng dalawang taon.
Pero kung sakaling maaprubahan ang bagong panuntunan, madaragdagan ng tatlong taon ang paghihirap ng mga tiwaling pulis bago makakuha ng promosyon dahil kailangan muna nilang malusotan ang kanilang kasong kinahaharap.
Subalit, kung ang pulis ay ma-promote ngunit hinatulan ng korte dahil sa kaniyang nagawa, maaari itong bawiin at madaragdagan pa ng mga kaukulang kaparusahan.