PINALAKAS ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang intelligence gathering upang maiwasan ang hindi inaasahang pangyayari sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ngayong Kapaskuhan.
Ito ang tiniyak ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo matapos ang pag-atake sa isang pampasaherong bus sa Tacurong City, Sultan Kudarat na ikinasawi ng isang indibidwal at ikinasugat ng 11 iba pa.
Ayon kay Fajardo, magkakaroon ang pulisya ng random checkpoints sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kasabay ng pagpapaigting sa border control.
Layunin aniya nito na matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko partikular na ang mga matataong lugar.
Patuloy na umaapela ang PNP sa publiko na unawain ang mga ipinatutupad na security measures upang maiwasan na maulit ang nangyari sa Tacurong City.