POGO cases vs. Alice Guo, ililipat sa Pasig—DOJ

POGO cases vs. Alice Guo, ililipat sa Pasig—DOJ

MULA Capas, Tarlac ay ililipat sa National Capital Region (NCR) partikular sa Pasig City ang mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) case ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na sasampahan na nito ng kasong qualified human trafficking ngayong linggo si Guo matapos makitaan ng probable cause ang reklamong inihain ng PNP CIDG at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa kaniya.

Sabi ng DOJ, sa ilalim ng batas, ang mga indibidwal na nag-oorganisa ng isang establisimyento ay maaaring mapanagot sa kasong human trafficking kahit hindi sila direktang nakikilahok sa mga kriminal na aktibidad tulad ng torture, rape, forced labor, at iba pa.

Maliban kay Guo, ay sasampahan din ng kaso ang sinasabing kasosyo nito sa negosyo kabilang na si Huang Zhiyang.

Pinasalamatan naman ng Justice Secretary ang Korte Suprema kasunod ng case transfer.

Punto rito, mahalaga na matiyak ang integridad ng mga trial proceedings sa pamamagitan ng pagdala ng mga kaso sa neutral na korte.

“I commend the SC for their unwavering commitment to safeguard the laws of the land in order to avoid the miscarriage of justice, the DOJ vows that we will prosecute these cases with burning resolve and integrity,” pahayag ni Secretary Jesus Crispin Remulla, Department of Justice (DOJ).

Samantala, ayon naman kay PAOCC Spokesperson Winston Casio, nakalipad na sa Hong Kong si Huang Zhiyang.

Si Huang Zhiyang ang tinukoy ng PAOCC na “boss ng lahat ng boss” ng mga ilegal na POGO.

“Nakita natin siya doon sa tatlong POGO na na-raid. ‘Yong kauna-unahan doon sa may Sun Valley Farm noong May 2023, incorporator siya doon. Tapos dito naman sa Bamban (Tarlac), incorporator siya nitong Baofu Land at itong Hong Zheng. Dito naman sa Porac, mayroon din siyang business interest. Nakita rin siya doon sa…’yong bahay niya nakita doon sa may Montana na na-raid din natin itong mga nakaraang buwan. So, all over siya, nagkalat itong galamay nitong si Huang Zhiyang. Nakatakas siya kasi noong na-raid natin noong March 14 ‘yong Bamban di ba, may nag-leak na nakatakas siya.  At huli naming balita, nagpunta siya ng Taiwan, pero noong Sept. 07 ata o 12 ayon sa mga kaibigan natin sa Taiwan, nakalipad na siya papunta ng Hong Kong,” saad ni Winston Casio, Spokesperson, PAOCC.

Samantala, ayon pa sa PAOCC, kahit pa puro umano kasinungalingan ang naririnig kay Alice Guo sa Senate hearing, ay marami pa rin silang napapala sa pagdinig para sa ikalulutas ng kaso.

“Tandaan natin na hindi lang si Alice Guo ‘yong resource person dito. Sa pagsisinungaling niya, at ‘yong iba naman ay napapasubalian naman ng ibang resource person, mas napapalapit tayong natutukoy kung sino ba talaga ang nagproprotekta sa kaniya. Tandaan natin, ‘yong committee on women, sa kabila ng napakarami niyang kasinungalingan doon ay marami naman tayong nakuha doon sa resource persons,” wika ni Winston Casio, Spokesperson, PAOCC.

“Doon kay Alice Guo sa ibang usapan lang, ako, personally kami, hindi namin kailangan siya kasi nandito na ang ebidensya,” dagdag ni Casio.

 “So lahat ng alam namin, nakikita sa mga papel, sa mga testimonya, sapat na ‘yon para idiin itong si Gou Hwa Ping na talagang hindi siya Pilipino. Siya ay may kinalaman sa ganito at ganyan, so sapat na yon,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble