‘POLITICAL survival’ ang dahilan kung bakit bumabaliktad ngayon si Senator Koko Pimentel kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa mga kapartido nito sa PDP-Laban.
Ito ang inihayag ni PDP-Laban National Chairman for Livelihood Committee Reymar Mansilungan matapos batikusin ni Pangulong Duterte si Senador Pimentel dahil sa pagtatalaga nito noon bilang acting-president ng ruling party si Senador Manny Pacquiao.
Una nito ay kinuwestiyon at binatikos ni Pimentel ang naganap na mga meeting ng partido sa Pampanga noong nakaraang linggo kung saan naghalal ng mga bagong opisyal ang ruling party.
Para kay Pimentel ay paglabag sa bylaws ng partido ang pagtanggal kay Pacquiao bilang acting-president kung saan ay pinalitan ito ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Ayon kay Mansilungan, mawawalan ng poder sa politika si Pimentel kapag hindi niya kakampi ang susunod na pangulo ng bansa.
“Pagka ang nanalong presidente sa susunod na eleksyon ay hindi galing sa PDP-Laban, mawawalan na ng poder si Senator Pimentel. Kasi kung ako si Senator Pimentel, gusto kong makabalik bilang Senate president sa 19th Congress. And the only way to attain that is kung siya ay kakampi ng susunod na presidente. So kung ako si Senator Pimentel gusto kong makabalik sa Senado the only way to do that is kung ako ang nagtulak doon sa susunod na presidente may utang na loob sa akin ‘yung susunod na presidente,” pahayag ni Mansilungan.
Dagdag ni Mansilungan, ito rin aniya ang dahilan kung bakit itinutulak ni Pimentel si Senador Manny Pacquiao ang maging standard bearer ng partido.
“Kung gagamitin natin ang PDP-Laban para sa susunod na ino-nominate kung sino ‘yung gustong i-nominate ni Presidente, kung sino ‘yung i-endorso ni Presidente na maging kandidato ng PDP-Laban, mawawalan na ng poder si Koko Pimentel kasi hindi na si Koko ‘yung dahilan kung bakit nanalo ‘yun, di ba? Si PRRD na ang dahilan kung bakit nananalo ang inendorso niya kung mananalo ‘yun. Samantalang kung si Senator Pacquiao ang mananalo, utang loob ni Senator Pacquaio ‘yung pagkakapanalo niya kay Koko Pimentel. Knowing the guy, hindi ko naman tinatawaran ang kakayahan ni Senator Pacquiao, hindi niya masyadong na nasasakyan ‘yung kulay na ‘yun ni Senator Pimentel sa politika,”ayon pa ni Mansilungan.
‘Yung dahilan kung bakit pinipilit ni Senator Pimentel si Senator Pacquiao is for his own survival. Because after this kung walang mangyayari sa ginagawa niya kay Senator Pacquiao, domed na siya. This is already his second term tapos hindi siya makakapag-Senate president sa 19th Congress,” dagdag aniya.