PONDO ng bayan, dapat protektahan! isusulong ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang pagwawakas ng sistema ng liquidation by certification sa Kongreso sakaling mahalal sa Senado.
Transparency at accountability—ito ang dapat mangibabaw sa paggamit ng pera ng taumbayan upang masiguro na walang bahid ng korapsiyon sa bawat proyekto ng mga mambabatas.
Isa sa mga pangunahing adhikain ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), sakaling mahalal, ay ang pagbuwag sa sistemang liquidation by certification.
Sa ilalim ng Concurrent Resolution No. 10, pinapayagan ang Senado at Kamara na mag-liquidate ng kanilang gastos gamit lamang ang sertipikasyon, nang hindi na kailangang magsumite ng mga resibo.
Ibig sabihin, sa ganitong sistema, hindi na kailangan ng resibo para i-liquidate ang gastos ng bawat mambabatas, bagay na pinaniniwalaan ni Pastor Apollo na maaaring magdulot ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng Kongreso sa usapin ng pagbibigay ng pondo o ang tinatawag na power of the purse.
“Ang konsepto po kasi ng liquidation by certification ay dito, hindi nakasaad sa revised penal code ngunit nagmula sa iba’t ibang resolusyon at mga kaugalian na itinatag ng Kongreso ng Pilipinas, partikular itong binanggit sa Sen. Reso No. 10 kung saan ang miyembro ng Kongreso ay maaring iliquidate ang kanyang MOOE or…. Sa pamamagitan lamang po ng sertipikasyon sa halip na resibo.”
“Dapat ikorek na itong liquidation by certification They have the “power of the purse”. ‘Yun ang mahirap dun eh.”
“Up to the single centavo, talagang ililiquidate mo ‘yan, may resibo po ‘yan, kasi that is to make sure na may transparency and you have to be accountable for every money that you spent,” saad ni Atty. Kaye Laurente, Spokesperson, Senatorial Aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy.
Giit ni Pastor Apollo, ang bawat sentimong ginugugol ng gobyerno ay mula sa buwis ng taumbayan na pinaghirapan ng bawat Pilipino.
“Pera ng taumbayan ‘yan, hindi mo pera ‘yan. Nagsakripisyo ang bawat mamamayang Pilipino para lang makuha ‘yung certain amount of money pero ano ginagawa? Walang serbisyong bumabalik sa kanila,” giit ni Atty. Laurente.
Ang panukalang pagbuwag sa liquidation by certification ay bahagi ng zero corruption platform ni Pastor Apollo.
Ayon sa Butihing Pastor, ang korapsiyon ay isang malaking kasalanan—hindi lang ito pagnanakaw sa kaban ng bayan, kundi isa ring anyo ng pandarambong na ginagamit ang posisyong ipinagkatiwala ng taumbayan.
“Zero corruption—ito ay isang malaking kasalanan. Kung baga ito ay kasalanang nakamamatay, hindi lang ito pagnanakaw sa pera ng bayan, kundi harapang pangungulimbat ng mga halang ang kaluluwa. Pandarambong na ginagamit ang posisyon na ipinagkatiwala sa kanila ng taumbayan. Ang parusa dapat dito ay kamatayan,” ayon kay Pastor Apollo C. Quiboloy, Senatorial Aspirant.
“Public service is a public trust. Nandiyan ka, kasi para tulungan ang bawat mamamayang Pilipino. Hindi pangsariling interes. Para po ‘yan sa bawat Pilipino, lalong-lalo na sa mga mahihirap. Unless po, di nakatatak sa puso at isipan ng bawat public servant ‘yung sense of service with moral values, lalong-lalo na sa paghawak ng pera ng taumbayan, hindi natin mareresolba itong problema sa kurapsyon,” ani Laurente.