Mga mambabatas, umalma sa panggigipit ng Kamara kay VP Sara

Mga mambabatas, umalma sa panggigipit ng Kamara kay VP Sara

UMALMA ang ilang mambabatas sa ginagawang pang-aatake ng Kamara kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos ipag-utos ng Committee on Good Governance ng Kamara na ikulong ang Chief of Staff ng bise presidente na si Atty. Zuleika Lopez sa isang correctional facility batay sa isang contempt order.

Si Lopez ay una nang na-detain sa Kamara matapos ma-cite in contempt dahil sa umano’y “undue interference” sa isinasagawang imbestigasyon ng komite sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Para kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ‘di makatarungan ang ginawa ng Kamara kay Lopez.

Ipinunto ni Bato, na dating PNP Chief, na wala siyang nakikitang dahilan para ikulong si Lopez sa isang correctional facility na lugar para sa mga convicted criminal.

“Hindi pa man lang nagiging accused ‘no, hindi pa na-file-an ng kaso, kung i-treat mo parang konbiktado na dadalhin mo sa Women’s Correctional? Women’s Correctional facility is a place for convicted criminals. I’ve been the director general of BuCor and alam ko kung anong sitwasyon ko diyan sa loob. ‘Yan ay kulungan ‘yan ng mga serving sentence, convicted felons serving sentence,” wika ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Former BuCor Director General.

Kinuwestiyon din ng senador kung bakit kailangan dalhin sa ibang lugar si Lopez gayung may sariling detention facility naman ang Kamara para sa mga napatawan ng contempt.

“Magpa-contempt contempt kayo ng tao tapos hindi niyo kayang bantayan diyan sa inyong facility? Meron man kayong facility for persons cited in contempt, ‘di ba? You should have your own facility diyan sa Kongreso para bantayan ninyo. Bakit niyo dalhin doon?” dagdag ni Dela Rosa.

Maging mismong si Congressman Rodante Marcoleta ng Sagip Party-list ay ‘di rin sang-ayon sa ginagawa ng kaniyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Marcoleta na sa 17 taon niya sa Kongreso ay ngayon lamang siya nakasaksi ng ganitong pangyayari.

Kinuwestiyon ng batikang mambabatas at abogado kung ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa opisina ng ikalawang pangulo ay “in aid of legislation” nga ba o “in aid of persecution”

“Ang tanong, ang House of Representatives po ba ang gaganap sa tungkulin ng Commission on Audit? Eh ‘pag kung nagkaganoon ay tanggalin na natin ang COA sapagkat sila (Kamara) na ang nag-au-audit. Wala po sa tungkulin namin ang mag-audit,” wika ni Rep. Rodante Marcoleta, SAGIP Party-list.

Binigyang-diin naman ng mambabatas na kung ang layunin nga ng kaniyang mga kasamahan sa Kamara ay mag-imbestiga “in aid of legislation” sa confidential funds ay dapat hindi lamang ito nakatuon sa opisina ng Bise Presidente.

Sinabi ni Marcoleta na bukod sa Office of the Vice President ay may kaniya-kaniya ring confidential funds ang iba’t ibang bahagi ng gobyerno tulad ng National Government Agencies, Government Owned and Controlled Corporations, Local Government Units, at maging ang Office of the President, House Speaker at iba pa.

“Ilang opisina ba ang mayroong confidential funds sa palagay ninyo? May idea ba kayo? Wala bang nagtataka sa atin kung bakit ini-isolate lang at pilit na ginigisa lang ay ang Office of the Vice President? At saka ‘yung DepEd kung saan naglingkod siya bilang Secretary? papaano po ‘yung iba? In aid of legislation po ba ito o in aid of persecution? Kayo na po mag-conclude, ang linaw naman po nito eh?” wika ni Rep. Rodante Marcoleta, SAGIP Party-list.

Paalala naman ni Marcoleta sa kaniyang mga kasamahan na kailanman ay ‘di mandato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mag audit.

Dapat ipaubaya na lamang ito aniya sa Commission on Audit (COA).

“Hindi po namin trabaho ang mag audit. ‘Yung pong audit observation memo o ‘di kaya notice of disallowance by their very nature eto po ay confidential. Bakit ‘yung HOR kukunin nila ang mga documento at sila po ang gagawa sa trabaho ng COA? Ang ibig bang sabihin gagawa sila ng batas para i-abolish ang COA?” ani Marcoleta.

Nanawagan naman si Sen. Bong Go sa mga mambabatas sa Kamara na hinay-hinay lamang sa pag-cite ng contempt sa mga resource persons.

Ani Go, hindi na nagiging productive ang mga ginagawang investigation in aid of legislation kung hindi dahil sa takot.

“Balikan sana natin ang mga House rules pagdating sa investigations in aid of legislation lalo na ang mga grounds for citing resource persons in contempt.  Hindi dapat ito naaabuso. Bilang isang mambabatas at mamamayang Pilipino, nakikiusap po ako: Please stop the harassment. Please be reminded that this should be in aid of legislation, not persecution!” ayon kay Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go

Nalulungkot din si Go sa nangyayaring harassment kay VP Sara ay nadadamay ang mga ordinaryong tao.

Mas makabubuti aniya kung magkasundo at magtulungan na lamang ang dalawang panig para sa paglutas sa mga problema na kinakaharap ng ating bansa.

“Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, wala namang ganitong nangyayari.  Trabaho lang po at nagtutulungan ang mga iba’t ibang sangay ng gobyerno—ang executive at ang legislative—to craft laws para sa development po ng ating bansa at kapakanan ng ating mga kababayan. Importante ngayon trabaho muna, serbisyo muna,” ani Go.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble