Presyo ng bigas, inaasahang bababa ngayong linggo sa pagsisimula ng anihan—SINAG

Presyo ng bigas, inaasahang bababa ngayong linggo sa pagsisimula ng anihan—SINAG

UNTI-unti nang bumababa ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Katulad sa tindahan ni Ate Annabelle sa Commonwealth Market sa Quezon City na makabibili ka na sa halagang P50 kada kilo.

‘Yun nga lang at hindi naman ito ang karaniwang niluluto ng mga masang Pilipino na regular milled.

May mabibili namang mas mura o sa halagang P42/kg, pero ito ‘yung bigas na durug-durog at nangingitim na.

Para sa karamihan, hindi naman na ito puwedeng konsumuhin ng tao.

Ang ang local well-milled rice naman ni Aling Teresita ay naglalaro pa rin sa P58/kg.

“Ang laki ng hango, ang mahal ng puhunan namin diyan, halos kaunti lang patong. Hindi puwede na idinilever sa amin ng mataas ay mababa naman ibenta,” ayon kay Teresita, nagtitinda ng bigas.

Sa kabila nito’y umaasa pa rin si Ate Anabelle na bababa na ang presyo ng lokal na bigas sa bansa ngayong nagsisimula na ang anihan.

“Baka sakaling mahila ng imported, baka sakaling maraming dating na imported, kapag maraming importer bumababa ang presyo ng local stock,” dagdag ni Anabelle.

Sinabi naman ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na inaasahan na bababa sa P2 hanggang P4 ang kada kilo ng lokal na bigas ngayong linggo ng Pebrero.

Kasunod na rin ito ng pagbaba ng farm gate price ng palay.

“Yung bigas ngayon, ‘yung farm gate ay bumaba ng P1 so nasa P30 ang presyo from P31.50 ‘yung delivered sa mga magsasaka. We expect by March 15 pababa mas malaki ang volume na aanihin by then bababa pa ang presyo ng bigas natin,” ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman, SINAG.

Ang Department of Agriculture (DA) naman ay positibo na malaki ang ibababa ng presyo ng bigas sa kasalukuyang prevailing price nito sa merkado.

“We’re hoping na mas bababa sa mga susunod na panahon kapag mas maraming suplay ay mas mababa ang cost of production. Inaasahan namin na hindi naman papalo sa P60 lalo na ‘yung regular at well milled,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble