PINANIGAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pahayag ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson for Sectoral Concerns at Communications Undersecretary Lorraine Badoy laban sa limang partylists na kaalyansa ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Kinumpirma ni Pangulong Duterte na mayroong limang party-list groups na nagsisilbing “legal fronts” ng CPP.
Tinukoy ni Pangulong Duterte ang pinanindigan ni Badoy na nagkaroon ng alyansa ang party-list groups na Kabataan, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela, o tinatawag na “KABAG” sa komunistang grupo na may layong pabagsakin ang gobyerno.
“Tama si Lorraine Badoy na itong mga party-list na Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, Alyansa of Concerned Teachers or ACT, at Gabriela. Makita naman ninyo sa behavior nila and the way they espouse their advocacy for a party — left, left, left ang talagang drift nila,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Inihayag pa ni Pangulong Duterte na hindi na sorpresa na makakukuha ng suporta ang CPP mula sa nabanggit na limang party-list.
“Totoo yan nakapasok sila sa Congress. No doubt about it. They have used the party-list — eh alam mo bright kasi ‘yung gumawa nu’n eh,” ani Pangulo.
Nagpahayag din ng masidhing saloobin ang Chief Executive sa naturang party-list groups na ka-alyansa ng CPP dahil sa ginagamit nila ang public funds para sa suportahan ang mga rebelde.
“Ang problema ginagamit nila ang pera, kinukuha nila ‘yung pera ng gobyerno at binubuhay nila ‘yung mga ano, mga N — t*** i**. They are supporting a bunch of — wala na silang ideology. I would have maybe listened kung nandiyan pa sila magsalita si Jalandoni na respetado ko, si Joma Sison,” ayon pa sa Pangulo.
Samantala, maliban sa mga komunista, sinabi rin ng Punong-Ehekutibo na nakokontrol din ang mga party-list ng mga mayayaman.
Sinabi ng Pangulo na nakakukuha ang mga komunista ng bilyong piso sa pamamagitan ng extortion scheme laban sa construction firms at contractors.
“I would continue to criticize and say something about itong mga party-list at hindi lang ang left. Ito ay ginagamit ng mga mayaman, lahat ng mga may negosyante, either binili nila ‘yung party-list or nag-create sila because they can do it with the money and that has become a problem na sa —fractured na tayo, it’s a fractured constitution — it’s the Cory Constitution, actually, ” pagbubunyag ni Pangulong Duterte.
Bago ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte, nagbabala si Badoy sa publiko laban sa posibleng koalisyon sa pagitan ng komunistang grupo at iba’t ibang political parties na pinangunahan ng isang presidential aspirant.
“Alam mo, it’s a conspiracy, meron kang legal front, meron kang ano, party-list. But it is a conspiracy – the act of one, the act of all,” ayon sa Pangulo.
Ang CPP-New People’s Army ay nakalista o itinuturing na terrorist organization ng United States, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at ng Philippines.
Kung maaalala, pormal na idineklara ng Anti-Terrorism Council ang National Democratic Front bilang terrorist organization noong Hunyo taong 2021.
Ang NDF ay itinuturing na “integral and inseparable part” ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army.