COVID situation sa bansa, patuloy na bumubuti sa kabila ng pagluwag ng restriction – OCTA

COVID situation sa bansa, patuloy na bumubuti sa kabila ng pagluwag ng restriction – OCTA

IPINABATID ni OCTA Research Group Dr. Guido David na tuloy-tuloy na bumubuti ang COVID-19 situation ng bansa kung ihahambing sa iba pang karatig bansa.

Sinabi pa ni David, nag-uumpisa na ring bumaba ang kaso ng COVID-19 sa South Korea at Vietnam.

Habang ang ilan sa bansa naman sa Asya ay nasa severe outbreak pa rin tulad ng Brunei at Hong Kong.

Ani David, wala pa silang nakikitang pagtaas ng kaso ng virus sa Pilipinas at nasa 400 na lamang ang average cases ang naitatala araw-araw.

Paglilinaw ni David,  hindi nakakabahala ang bilang ng mga naitatalang nasawi ng virus sa bansa.

Paliwanag niya,  karamihan sa mga ito ay late death, ibig sabihin aniya noong mga nakaraang taon pa na impeksyon ng virus.

Samantala, sa usapin naman ng pagbabakuna, pagbibigay diin ni David na sa oras na aprubahan ang 2nd booster shot ay malaking maitutulong nito sa prevention.

Mas makabubuti raw ito dahil mataas pa rin ang kaso sa ibang bansa na posibleng makapasok dito sa Pilipinas lalo na ang mga variants ng COVID-19.

Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH),  naitala ang higit 2,000 COVID-19 cases mula noong Marso 21 hanggang Marso 27, 2022.

Habang ang average ng bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa higit 300, mas mababa ng 24% kung ikukumpara sa mga kaso noong Marso 14 hanggang Marso 20.

Sinabi pa ng DOH,  walang may malubha at kritikal na karamdaman ang naitalang bagong kaso.

Pinapaalalahanan ang lahat na huwag pa rin maging kampante sa banta ng COVID-19, bagkus dapat pa ring ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert  Level 1.

Follow SMNI News on Twitter