BUKOD sa pamimigay ng pagkain, tubig, at iba pang suplay sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Odette, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagkalooban din ng medikal na atensyon ang mga ito partikular na ang kalusugan ng mga evacuee.
Ito ang direktiba ng pungong ehekutibo sa mga ahensya ng gobyerno at local government units kasabay ng ginanap na command conference kasama ang local at military officials sa General Benito Ebuen Air Base, sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sambit ng pangulo, pinakadelikado sa evacuation center dahil madali lamang magkahawaan sa lugar sa dami ng tao lalo na kapag may inuubo.
Binigyang diin niya ang pangangailangan na tiyakin na mayroong distansya bawat isa ang mga evacuee sa gitna ng patuloy na banta ng bago at mas nakahahawang variants ng COVID-19.
Samantala, itinalaga naman ni pangulong Duterte ang mga military at police na pangunahan ang pangangasiwa sa distribusyon ng financial assistance sa mga komunidad na tinamaan ng bagyo
Hindi naman aniya ito nangangahulugan na wala siyang tiwala sa lokal na pamahalaan kundi kailangang matiyak na magiging maayos at mas organisado ang lahat ng aktibidad sa pagtugon sa mga sinalanta lalo na marami sa mga lugar na pahirapan ang pagtungo at pag-abot ng tulong dahil sa limitadong galaw dala ng mga nagtumbahang mga puno o poste.
Aminado naman ang punong ehekutibo na hindi niya inaasahan na talagang napakalakas ng naturang bagyo kagaya ng prediction ng state weather bureau.