Inisyal na pinsala ng Bagyong Odette sa sektor ng agrikultura, umabot sa P2.6-B — DA

NASA P2.6 bilyon ang inisyal na naitala ng Department of Agriculture (DA) na pinsalang idinulot ng Bagyong Odette sa produktong pang-agrikultura sa sampung rehiyon sa bansa.

Kabilang sa sampung apektadong rehiyon ang MIMAROPA, CALABARZON, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, and CARAGA Region.

Katumbas ito ng mahigit 87,640 metriko toneladang agri products mula sa mahigit 60,451 ektarya ng agricultural areas.

Kabilang sa mga napinsala ay mga palay o bigas, mais, high value crops, at mga isda.

Kasama na rito ang pinsala sa mga imprastraktura, makinarya at kagamitan sa agrikultura kung saan subject for validation pa lamang.

Samantala, bago pa man ang pananalasa ng bagyo sa bansa, nasa mahigit 11,454 hectares ng palayan ang naani na mula sa mga rehiyon ng MIMAROPA, VI, VIII, IX, XI, at XIII na may kabuuang 34,433 metriko toneladang timbang at nagkakahalaga ng nasa P615.53 milyon.

May P82.55 milyon halaga naman ng mga mais mula sa 2,452 ektarya o nasa halos 6,965 metric tons na produksyon ang naani naman mula sa Region IV-A, MIMAROPA, VIII, IX, XI, at XIII.

Batay naman sa Department of Agriculture, nananatiling namang matatag ang food supply sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo kabilang ang CALABARZON, Northern Mindanao at ilang lugar sa MIMAROPA at CARAGA.

Gayunpaman, ang mga problema sa transportasyon ng suplay ng pagkain ay iniulat sa Batangas, Palawan, Surigao del Sur at sa ilang pier sa SOCCSKSARGEN.

Nakahanda namang magpaabot ng nasa mahigit P1.75 bilyon na halaga ng ayuda ang DA para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Binubuo ito ng Quick Response Fund (QRF) para sa pagsasaayos ng mga napinsalang lugar, pamamahagi ng semilya ng palay, mais, gulay at fingerlings sa mga apektado, at marami pa.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang pakikipagugnayan ng DA sa mga regional office nila para mabatid ang kabuuang halaga ng pinsala na iniwan ng Bagyong Odette sa sektor ng agrikultura.

SMNI NEWS