HANDANG magpa-abot ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga mag-aaral, magulang, guro, at mga manggagawa ng Colegio de San Lorenzo na nag-anunsyo ng biglaang pagsasara noong Lunes.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, nagbigay na ito ng kautusan kay City Legal Council Orlando Paolo Casimiro na humanap ng paraan kung paano matutulungan ang mga apektado ng biglaang pagsasara ng nasabing eskwelahan.
Ani Belmonte, kailangan nilang tumulong sa pakikipag-ugnayan sa ibang eskwelahan, kolehiyo at unibersidad kung saan maaaring makalipat ang mga apektadong estudyante at masiguro na make-credit pa rin ang kanilang mga credentials.
Dagdag ni Belmonte, may ilang eskwelahan na ang nagpahatid sa kanya ng mensahe na handa itong tumulong sa pagtanggap ng mga estudyante.
Samantala, sinabi naman ng Department of Education (DepEd) na wala man lamang itong natanggap na mensahe mula sa school management patungkol sa plano nitong pagsasara.