PINAGSO-sorry ng Public Attorney’s Office (PAO) ang senatorial candidate na si Raffy Tulfo dahil sa paninira nito sa tanggapan.
Banat kasi ni Tulfo, hindi ginagawa ng PAO ang kanilang trabaho.
“My PAO lawyers, and Public Atty’s Office as a whole is entitled for apology from you.”
Ito ang iginiit ni PAO Chief Atty. Persida Acosta kasunod ng mga banat ni senatorial candidate Raffy Tulfo laban sa PAO.
Sa interview kasi ni Tulfo sa kabilang network kamakailan ay sinabi nito na pagdating sa mga inquest proceeding, ay wala raw nakukuhang abogado ang mga mahihirap mula sa PAO.
“Kapag pumunta ka sa inquest proceedings, mapapansin mo yong mga mahihirap. Wala silang representation from the Public Attorney’s Office,” ayon kay Tulfo.
Sinabi pa nito na aabsent-absent ang PAO at hindi nagpeperform ng maayos kahit mataas ang sweldong tinatanggap ng mga ito.
“There are some cases na yong PAO hindi mo makikita eh. Yong PAO absent, Yong PAO wala roon, although malaki ang sweldo ng mga taga PAO. PAO pasensya na. Magkaibigan naman tayo kung tutuusin. They can’t really perform so I would come in, ang mga voluntary lawyers ko para siguraduhin na mayroon talagang legal representation yong isang suspect kapag inquest,” ani Tulfo.
Bagay na mariing pinabulaanan ng PAO Chief.
Aniya sa taong 2016-2021 ay umabot sa halos isang milyon na mga mahihirap na Pilipino ang kanilang natulungan sa kanilang mga kaso.
Kaya hirit ni Acosta, nasaan ngayon ang resibo ng akusasyon ni Tulfo.
Saad pa ni PAO Chief, ang paninira ni Tulfo ay unfair sa mga abogado ng PAO na hindi tumigil sa pagtatrabaho kahit may pandemya.
Sa ngayon ay mayroong mahigit dalawang libong abogado ang PAO.
Maging ang mismong mga PAO lawyers tulad nila Atty. Jose Noel Hilario at Atty. Adraneda-Filio ay naglabas ng hinanakit kay Tulfo at hindi tanggap ang mga akusasyon ng broadkaster.
Walang katotohanan daw ito lalo pat tinatanggap ng PAO ang mga request ni Tulfo para sa mga tinutulungan nito sa kaniyang programa.
Hirit pa ng PAO, mas pahirap sa mga tao na matapos pumila ng mahaba sa program ni Tulfo ay irerefer lang din pala sa PAO gayong pwede naman aniya silang dumiretso sa kanilang tanggapan.
Maliban dito napag-alaman na ang mismong pamangkin ni Tulfo ay sa PAO nagtatrabaho.