ISANG recruitment agency na napag-alamang walang lisensiya ang pinasara ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ang naturang kompanya ay nag-aalok ng trabaho sa Europa. Pero mariing itinanggi ng kompanya na sila ay illegal recruiter.
Bago magtanghali ng Martes nang sugurin ng DMW ang isang gusali sa Brgy. Veterans sa Quezon City.
Target ng DMW ang isang recruitment agency na mahigit isang buwan nang minamanmanan ng ahensiya.
Ito ay dahil sa umano’y ilegal na nag-aalok ng trabaho ang recruitment agency sa Italy at Malta kahit wala itong lisensiya.
Kabilang sa mga inaalok na trabaho ay caregivers, agricultural, hotel workers, at iba pa.
Sinabi ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, may tatlong biktima nang reklamo laban sa Legal Connect Travel Consultancy na isang Dubai based firm.
Giit ni Cacdac, wala na silang lisensiya para makapag-recruit.
Dagdag pa ni Cacdac naniningil pa ang recruitment agency ng hanggang P380,000 na placement fee sa mga aplikante.
“Walang naka-display prominently na sign, license number ng DMW na sila ay licensed, makikita niyo naman na sa dingding pa lang o pader pa lang walang license,” ayon kay DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac.
“We will file a criminal case para matuluyan at magkaroon ng deterrent effect ito sa mga nagbabalak na gumawa ng illegal recruitment. Huwag na huwag na po kayong gumawa ng illegal recruitment dahil hahabulin namin kayo,” dagdag pa nito.
Sa Facebook post aniya nakita ng mga biktima ang inalok na trabaho ng kompanya kung kaya’t na-engganyong mag-apply dahil sa ipinangakong P60-K – P100-K na sahod.
“Huwag na kayong magpa-biktima. Maging matalino at huwag magpapaloko,” payo ni Cacdac.
Ani Cacdac, sisikapin nilang mabawi sa nasabing recruitment agency ang pera ng mga biktima na ngayon ay nasa kustodiya ng DMW at nakahanda rin silang bigyan ng tulong-pinansiyal.
Pero, habang nagsasagawa ng operasyon ang DMW ay dumating naman ang abogado ng kompanya at kinuwestiyon ang ginawang pagsara nito sa naturang opisina. Dipensa ng abogado, wala sa due process ang ginawa ng ahensiya.
“The order that we received is Closure Order No. 1 for German document facilitation, this is not the company of my client and this is addressed in Alcantara Pablo Ocampo in Malate. So, currently kung hindi ito ay wala kayong right to closed,” saad ng abogado ng kompanya.
Pinatotohanan din ng general manager ng kompanya na mali ang ibinigay na Closure Order ng DMW sa kaniya at hindi rin totoo na tumanggi siyang tanggapin ito.
“That’s why I take note and I took photos and immediately sent it to my attorney. Upon reading further, doon ko rin nakita na ‘yung mga statement is not aligning to our office,” ayon kay GM Solomon Oliza, Legal Connect Travel Services.
“I did not refuse, ang sinasabi ko lang sa kanila ay will wait for my attorney before I sign or write anything on any paper,” paliwanag nito.
Aminado ang DMW na nagkapalit lamang ang ipinakitang closure order. Pero, giit nila wala silang nalabag sa ginawang pagpapasara sa naturang kompanya.
“If you look to the R.A. 8432, ‘yung sa due process na kailangan may prior notice. No, under the Republic Act. Ito po ay with prior surveillance and investigation conducted, so base on that we can order ‘yung pagsasara sa ating o sa isang establisimyento na nakitaan ng illegal recruitment. There’s no violation of due process of the law,” ayon kay DMW, Director III, Atty. Eric Dollete.
Gayunpaman, handa aniya ang Legal Connect Travel Consultancy na sagutin ang reklamo laban sa kanila.
Sa huli, batay sa datos ng DMW mula 2023, aabot na sa 14 na recruitment agency sa bansa ang napasara dahil sa parehong kaso habang 9,000 social media post o groups na nag-aalok din ng trabaho na hindi lisensiyado ang na-take down.