Rehabilitasyon ng MRT-3, target tapusin sa Disyembre ngayong taon

MAKUKUMPLETO na ang rehabilitasyon ng MRT-3 sa buwan ng Disyembre ng taong kasalukuyan ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.

Ayon kay Tugade, kasalukuyang nasa 60 kilometers per hour ang takbo ng tren na may waiting time na 3.5 minutes sa pagitan ng mga tren at mayroon namang all-time high na 23 operational train.

Una rito, inihalimbawa ng kalihim sa isang horror movie ang pagsakay sa MRT-3 noon kung saan tinawag pa nito na “MRTirik”.

Ito ay sa gitna ng kaliwa’t kanang nararanasang breakdowns, unloading incident, rail derailment at pag-alma ng mga pasahero dahil sa matagal na paghihintay.

Kung dati rati ay inirereklamo ng mga pasahero ang init sa loob ng tren, ngayon reklamo ng mga komyuter ang lamig dahil sa bagong air conditioning units.

Sa kabuuan nasa 21 na mga tren na ang kasalukuyang tumatakbo sa MRT-3.

Samantala, naantala man ng 19 na taong konstruksyon ng LRT-1 Cavite extension, ay bubuksan na ito sa publiko bago matapos ang 2021.

Nakatakda namang ganapin ang pagpapasinaya sa LRT-2 extension sa buwan ng Hunyo ngayong taon kung saan madagdagan ng dalawang istasyon ang kasalukuyang linya.

DOTR, nakapagbukas na ng higit 5,000 na mga ruta ng PUV units sa NCR

Samantala, iniulat ng DOTr na nakapagbukas na ito ng 5,803 na mga ruta para sa 234,939 public utility vehicles (PUV).

Dagdag ni Tugade, nakapagbukas na rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng dagdag na 60 ruta ng jeep na mayroong 2,000 operating units sa Metro Manila.

Nabuksan na rin ang 195 na ruta ng provincial bus na mayroong mahigit 2,600 provincial bus units palabas at pabalik ng National Capital Region (NCR).

Alinsunod pa rin ito sa itinakdang requirements ng local governments units (LGUs).

Tiniyak naman ng DOTr chief na kanilang tatapusin ang sinimulang mga proyekto ng ahensya at ng attached agencies nito.

Binigyang diin ng DOTr na ang mga nakumpleto at ng nagpapatuloy pang transport project ay katuparan ng mga pangako ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magkaroon ng komportable at maayos na pamumuhay ang mga Pilipino.

(BASAHIN: MRT-3, nag-deploy ng karagdagang anim na ‘overhauled’ light rail vehicles)

SMNI NEWS