Rekomendasyon na gawing kada kilo ang bentahan ng itlog, hindi pinaboran ni House Speaker Romualdez

Rekomendasyon na gawing kada kilo ang bentahan ng itlog, hindi pinaboran ni House Speaker Romualdez

NAG-inspeksiyon ang liderato ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa isang palengke sa Cubao, Quezon City.

Ito ay upang alamin ang sitwasyon sa suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa pag-iikot ng mga opisyal, napansin nila ang muling pagtaas sa presyo ng bigas at itlog sa palengke.

Sinabi ni Romualdez, babalikan ng Kamara ang rice traders sa lalawigan ng Bulacan na nagsusuplay ng bigas sa mga palengke sa National Capital Region.

“Siguro kailangan balikan din natin ‘yung Bulacan yung Intercity. ‘Yun ang talagang source ng mga trader, ng mga importer, susubukan natin at para malaman natin ano ba talaga ang dahilan kung bakit tumataas na naman konti ang bigas,” saad ni Rep. Martin Romualdez, House Speaker.

“Base po doon sa syempre nagtanong-tanong din po doon sa isang local government, ang sabi most probably ay mayroon nang nagho-hoard kasi nga po diba magcri-Christmas,” ayon kay Ellaine, Rice retailer.

Sa ngayon tumaas na kasi sa P50/kg ang presyo ng well-milled rice ngayon kumpara noong mga nakaraang linggo na nasa P45/kg dito sa Metro Manila.

Aabot na rin sa halos P30 ang itinaas sa presyo ng isang tray na itlog.

Nasa P8 na rin ang bentahan ng pinakamura o ang small size na itlog habang aabot sa halos P10 naman ang presyo ng extra-large size.

Nagkakaroon din umano ng dayaan sa bentahan ng itlog kung kaya’t inirekomenda ng isang mambabatas na maiging gawin na lamang na kada kilo ang bentahan nito na hindi naman pinaboran ni House Speaker Romualdez.

“Depende naman talaga sa kausap mo, syempre mas maganda kung gagawin nila. Pero kung kapiraso syempre ‘yung mga consumer ‘yung mga bumibili ay gusto naman nila hindi naman lahat kumakain ng isang kilo itlog kada araw kaya ibabalanse na lang natin ‘yan,” ayon kay Rep. Martin Romualdez, House Speaker.

“Pero kung halimbawa man na ‘yun ang ipatutupad ay wala tayong magagawa pero hangga’t maaari kung pwede kasi hindi pwede. Kasi unang-una diyan magkakabasagan ‘yan itlog ‘yan kapag nabasagan ka diyan wala na lugi ka na. Mayroon namang suki na kapag nakabasag ay hindi naman nila babayaran ‘yan syempre kami magsho-shoulder din, wala na lugi na kami,” ayon kay Marites, Egg Retailer.

Para naman kay Gregorio San Diego, Chairman ng Philippine Egg Board Association at United Broiler Raisers Association, kailangan munang pag-aralan muli ang rekomendasyon na gawing kada kilo ang bentahan ng itlog sa merkado.

“Kasi nga ang kinatatakot namin baka magmamahal, halimbawa baka ‘yung sasabihin na naman kapag ganyan ‘yung mga retailer at middle man ipapasa nila sa consumer ‘yan. Ang pabor talaga doon kung tama ‘yung timbangan ay hindi maloloko ‘yung mga mamimili,” wika ni Gregorio San Diego, Chairman, Philippine Egg Board Association & UBRA.

Pero, paglilinaw naman ni AGAP Party-list Representative Nicanor Briones na nag-rekomenda nito.

“Hindi ibig sabihin na gagawin na talaga nating kilo-kilo ang pagbebenta ng itlog dahil ‘yan ay hindi pabor sa ating mga consumer lalong-lalo ng ating maliliit consumer na bibili ng isa or dalawa or tatlong piraso ay mahirapan silang bumili. Ang kailangan lang ay magkaroon sila ng timbangan ‘yung mga nagbebenta ng itlog para ma-check kung tama ba ‘yung size base sa tamang timbang,” saad ni Rep. Nicanor Briones, AGAP Party-list.

Suplay ng manok sa merkado sa NCR, sasapat pa sa katapusan ng 2023; Presyo ng manok, inaasahang tataas pa sa P10/kg

Muli na namang tumaas ang presyo ng manok sa palengke habang papalapit ang Kapaskuhan.

Ayon kay Aling Marlyn, apat na beses nang tumaas ang presyo ng manok ngayong taon.

“Ang suplay natin okay lang, ang presyo ang problema. Ang puhunan ngayon P165 kaya ang bentahan ay P180,” ayon kay Marlyn, Nagtitinda ng Manok.

“Minsan P5 hanggang P10 ang plus nila hanggang papalapit ang pasko? Oo,” dagdag nito.

Kaya ang ilang mamimili.

“No choice, kung hindi ka bibili wala kang kakainin,” ayon kay Janet, Mamimili.

 “Bumaba especially ngayon dahil magpapasko, kung ano i-maintain na lang ang presyo huwag na magtaas,” aniya.

“Ang sinasabi kasi ng mga nasa palengke at ‘yung ibang kilala namin is sobrang tumal kung kukonti ang naibebenta nila ay nilalakihan nila ‘yung patong kaya ganyan ang nangyayari,” wika ni Gregorio San Diego, Chairman, Philippine Egg Board Association & UBRA.

Gayunpaman, sobra-sobra ang suplay ng manok sa bansa hanggang sa katapusan ng taon.

Pero, panawagan lamang nila sa Department of Agriculture.

“Sa projection nila, itong taon na ito by the end of the year may surplus tayo equivalent to 240 days ng manok so halos apat na buwan ‘yan. Kaya sabi naman sa meeting sa DA na galing na sa inyo ito na projection bakit nagbibigay pa kayo ng permit sa importasyon ng manok bakit hindi kayo magbawas,” dagdag ni San Diego.

Sa ngayon, wala namang nakikitang paggalaw sa presyo ng gulay, karneng baboy, baka, at isda sa palengke.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter