PERSONAL na tumungo si Senate Energy Committee Chairman Senator Win Gatchalian sa Ombudsman kaninang umaga upang ihain ang resolusyon ng Senado para sampahan ng kaso si Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi at ilang opisyal ng kagawaran.
Kaugnay nito ay hinamon ni Cusi si Gatchalian na magharap-harapan sa isang forum.
Nasa tanggapan na ng Ombudsman ang 93 pages na report ni Gatchalian na naglalaman ng rekomendasyon na sampahan ng kaso ang mga opisyal ng DOE sa Malampaya Gas Project.
Isinumite ng Senate Committee on Energy sa Office of the Ombudsman ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa bentahan ng shares sa Malampaya gas project kaninang umaga.
Kasabay nito isinumite din ng chairman ng komite ang resolusyon ng Senado na nagrerekomenda ng pagsampa ng kriminal at administrabong kaso laban kay Cusi at labing isa pang opisyal ng DOE.
Paliwanag ni Gatchalian na batay sa Presidential decree, kinakailangan munang humingi ng pag-apruba mula sa gobyerno ang kumpanya bago ang bentahan.
Ang gobyerno aniya naman ay susuriin kung papasa ang kumpanya sa mga aspetong financial, legal at technical.
Pero iginiit ni Gatchalian na minadali umano ng DOE ang pag-apruba sa pagbebenta ng 45 percent na shares ng Chevron sa kumpanyang UC Malampaya na subsidiary ng Udenna Corp. na aniya’y kapos sa financial capability.
Binigyang diin naman ng mambabatas na mahalaga ang Malampaya dahil doon nanggagaling ang enerhiya na nagpapailaw sa 4.5 million na bahay sa Mega Manila.