NAGPAPATULOY ang search and rescue operations para sa nawawalang tripulante ng lumubog na cargo ship sa Northern Samar nitong Lunes, Disyembre 30, 2024.
Isang crew member ang nasawi habang isa pa ang patuloy na pinaghahanap mula sa MV Jerlyn Khatness, isang cargo ship na lumubog matapos hampasin ng malalaking alon habang naglalayag mula Naga City, Cebu, patungong San Jose, Northern Samar.
Ang barko ay may dalang 24 tonelada ng semento.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) sa Eastern Visayas, 13 sa 15 tripulante ng barko ang nailigtas.
Isa sa mga naunang naiulat na nawawala ang nakaligtas matapos makalangoy patungo sa isla ng San Juan bago mag-madaling araw noong Martes.
Samantala, ang bangkay ng isang crew member ay natagpuan malapit sa isla ng Biri.
Ang OCD-Eastern Visayas ay nakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG)-LED Search and Rescue Operations na tinutulungan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Philippine Air Force para sa aerial survey.