Resignation ni Sen. Robin Padilla bilang EVP ng PDP-Laban, ikinagulat ng partido

Resignation ni Sen. Robin Padilla bilang EVP ng PDP-Laban, ikinagulat ng partido

NASORPRESA ang liderato ng PDP-Laban sa resignation ni Senator Robin Padilla bilang Executive Vice President (EVP) ng partido.

Entrada pa lamang ng linggo pero resignation agad ang salubong dito ni Sen. Padilla.

Sa liham nito na may petsang May 29, 2023, napagpasyahan ng senador na magbitiw bilang Executive Vice-President ng partido PDP-Laban.

Irrevocable ang resignation ng senador.

Sa kaniyang liham, walang binanggit si Padilla na dahilan ng kaniyang resignation pero mananatili pa rin naman itong miyembro ng partido.

Ang liderato ng partido, walang kaalam-alam sa biglang desisyon ng senador.

Ayon kay PDP-Laban President at Palawan Rep. Jose Alvarez, mismong sila ay nagulat sa nangyari.

 “Personal choice niya yun. Kasi alam ko masyado rin siyang busy sa Senado. Katulad kagabi, meron kaming party doon sa Shangrila EDSA, meron kaming konting salo-salo kasama si Senior Deputy Speaker Dong Gonzales, hindi sila nakarating dahil pinagdedebatihan pa nila yung Maharlika Bill. So we understand, but yung resignation niya was also a surprise to me,” saad ni Rep. Jose Alvarez, President, PDP-Laban.

Saad ni Alvarez, na kung pressure sa trabaho ang dahilan ng resignation, naiintindihan aniya ito ng partido.

Pero kung may iba pang dahilan, labas na aniya dito ang PDP-Laban.

Matatandaan na irrevocable resignation din ang ginawa ni Vice President Sara Duterte bilang Chairman ng pardito Lakas-CMD matapos tanggalin bilang Senior Deputy Speaker si Pampanga Representative at former Philippine President Gloria Macapagal-Arroyo.

Alam naman ng lahat na malapit na magkaibigan sina Senator Padilla at VP Sara.

At personal na inendorso ng bise presidente ang senador noong panahon ng kampanya.

“But if you ask me personally, offhand I cannot understand the resignation but if it’s because pressure of work in the Senate we could understand. But maybe there are other, some political meaning ay hindi namin alam. So we have to ask him point blank, siya lang makakasagot niyan,” dagdag ni Alvarez.

Saad naman ng senador sa isang statement na kailangan niyang isuko ang pagiging EVP ng PDP-Laban para magampanan ang mandato sa kaniya ng taumbayan.

“As an incumbent senator with a heavy mandate, I am aware that other duties — including my position as EVP of the party — must give way to my ability to fulfill my sworn duty to the people,” wika ni Sen. Padilla.

Taga PDP-Laban sa katauhan ni Padilla ang number 1 senator nitong 2022 elections na may higit 26 million na boto.

Ang kilalang aktor, at bad boy ng Philippine cinema ay Charter change tungong federalismo na ang ibinibida.

Isa rin siya sa mga malaking tagahanga ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ngayon ay chairman ng PDP-Laban.

“Para sa akin, since yun naman ang dala niyang partido noong nag-file siya ng pagka-senador at saka nagtagumpay naman… oo nagtagumpay at saka number 1, overwhelming number 1… So, sana manatiling gamitin niyang platform ang PDP-Laban para sa sunod niyang political ambitions we hope that this will be accomplished in the next or in the future,” ani Alvarez.

Samantala, kung future naman ang pag-uusapan ay maliwanag ang future ni Sen. Padilla saad ni Atty. Sal Panelo na isa sa malapit nitong kaalyado.

Saad ni Panelo, hindi nagkamali ang taumbayan sa pagboto kay Padilla sa eleksiyon.

Katunayan, malakas na noon pa ang pakiramdam ni Panelo na magiging number 1 senator si Padilla.

At kung sakaling hindi tumakbong Pangulo ng bansa si VP Sara sa 2028, alam na this ani Panelo kung sino ang susuportahan ng madla.

Panelo kay Robin Padilla sa 2028: Kung hindi tatakbo si VP Sara, siya ang mananalo

“Sabi ko Robin, tandaan mong sasabihin ko sayo, magna-number 1 ka. Naku? Huwag po. Hindi… magna-number 1 ka, talo mo lahat. Yung mga abogado, mga dating senador, talo mo lahat yan. Walang binatbat sa’yo yan. Oh eh nangyari na nga? Kaya hindi ho kayo nagsayang ng boto ninyo. O sasabihin ko pa sa inyo dagdag pa. Pag yan eh… Pag si Inday Sara ayaw tumakbo, pag yan ay pinush maging kandidatong Presidente panalo yan,” pahayag ni Atty. Salvador Panelo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter