MULING iginiit ni Senador Bong Revilla ang kanyang posisyon para sa pagbibigay ng proteksyon sa mga bata laban sa pagbubuntis sa murang edad.
Sa Senate Bill 1209 na kanyang isinumite sa Senado, sinabi ng senador na ang layunin nito ay para maiwasan ang patuloy na pagdami ng kaso ng pagbubuntis sa murang edad at tiyakin na ang mga batang magulang ay makakakuha ng tamang suporta para mapalaki ang kanilang mga anak sa isang malusog at maayos na kapaligiran.
Ginawa ni Revilla ang pahayag matapos inulan ng reklamo ang Sex Education Bill ni Risa Hontiveros o ang Senate Bill 1979.
Ayon kay Revilla, ang Senate Bill 1979 ay naglalaman ng mga probisyong salungat sa layunin ng kanyang isinusulong na batas.
Tiniyak naman ng senador sa publiko na kung itutulak ang mga probisyong ikinababahala niya tulad ng pagtuturo sa mga bata ng masturbation at sexual pleasures ay tututulan niya ito at haharangin niya mismo na maipasa sa Senado.
Una nang naghayag ng pag-aalinlangan sa mga probisyon ng Senate Bill 1979 ay sina Senador Joel Villanueva, Bong Go, Imee Marcos, Migz Zubiri, at maging si Senate President Francis “Chiz” Escudero.