IPINANAWAGAN ng mga kinatawan ng iba’t ibang Sports Federations at National Olympic Committees na pahintulutan na ang Russian at Belarusian athletes na makasali sa 2024 Paris Summer Games sa ilalim ng neutral flag.
Sa ngayon ay hindi pa nakapag-release ng desisyon ang International Olympic Committee (IOC) ng final ruling hinggil dito.
Nauna nang isinasailalim sa iba’t ibang sanctions ang mga atleta mula sa Russia at Belarus dahil sa nangyayaring digmaan sa pagitan ng Moscow at Kyiv, Ukraine.
Kung mapapansin, ang Belarus ay kaalyado ng Russia kung kaya’t kasama na rin ito sa mga hinihigpitan ng maraming sporting events.
Noong Oktubre, sinuspinde ng IOC ang Russian Olympic Committee ayon kay IOC Spokesman Mark Adams.
Paliwanag ng IOC, kinilala ng Russia bilang sakop nila ang regional organizations ng apat na Ukrainian territories gaya ng Donetsk, Kherson, Luhansk, at Zaporizhzhia.
Itinuturing itong ilegal ng IOC o paglabag sa Olympic charter at dahil dito, hindi na makatatanggap ng funding ang Russian Olympic Committee mula sa kanila.
Para sa panig ng Russia, ‘politically motivated’ ang desisyon.