NAKIPAG-USAP si Russian Foreign Minister Sergey Lavrov sa Democratic People’s Republic of Korea counterpart nito na si Choe Son Hui sa reception building ng Foreign Affairs Ministry sa Moscow noong Martes.
Ayon kay Lavrov, ang polisiya na isinusulong ng Estados Unidos at ng mga kaalyado nito na nagpapakita ng panganib sa North Korea ay hindi nakakatulong sa pagpapaunlad ng sitwasyon sa rehiyon.
Dahil dito, nanawagan ang Russia sa lahat ng partido na huwag gumawa ng mga aksiyon na magpapalala ng tensiyon sa rehiyon.
Pinapaboran din aniya ng Russia ang negosasyon ng walang anumang kondisyon para sa kapayapaan at katatagan sa Hilagang Asya.
Ayon kay Foreign Minister Lavrov, nagsumite ng magkahiwalay na proposal ang Russia kasama ang China sa UN Security Council ukol sa isyu ng negosasyon sa Korean peninsula.
Nagtutulungan din aniya ang Russia at North Korea sa pagpapatupad ng mga napagkasunduan ni Russian President Vladimir Putin at North Korean Leader Kim Jong Un sa kanilang summit noong Setyembre ng nakaraang taon.
Sa parte naman ni Choe, umaasa aniya ang North Korea na mas magiging malalim pa ang bilateral na ugnayan ng dalawang bansa ngayong taon.
Nabanggit din ni Choe na iniimbitahan ni Kim Jong Un si Pres. Putin na bumisita sa North Korea kung may panahon na ito para sa isang summit o pagpupulong.