Russian vlogger naka-medical quarantine; BJMP tiniyak na walang VIP treatment

Russian vlogger naka-medical quarantine; BJMP tiniyak na walang VIP treatment

Sa panahon ng malawakang paggamit ng social media, lumalabo ang hangganan sa pagitan ng kalayaan sa pagpapahayag at pananagutan sa batas, isa itong realidad na muling binigyang-diin sa pagkakaaresto ng kontrobersiyal na Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy.

Ang kasong ito ay nagsisilbing paalala na may hangganan ang pagiging content creator lalo na kung ito’y lumalabag na sa batas at may negatibong epekto sa publiko.

Sa kabila ng kasikatan sa online platforms, walang sinuman ang ligtas sa pananagutang legal. Sapagkat ang viral content, kapag hindi pinag-isipan, ay maaaring humantong sa kulungan.

Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera, inilipat na sa kanilang kustodiya ang kontrobersyal na Russian vlogger noong Hunyo 11, sa Taguig City Jail – Male Dormitory na matatagpuan sa loob ng Camp Bagong Diwa, Bicutan sa naturang lungsod.

Ang paglipat aniya ay isinagawa ng mga personnel mula sa Bureau of Immigration (BI) alinsunod sa commitment order na inilabas ng Regional Trial Court Branch 153 ng Taguig City.

Sinabi ni Bustinera na ang vlogger ay kasalukuyang sumasailalim sa medical quarantine, gaya ng iba pang persons deprived of liberty (PDL), bilang bahagi ng standard operating procedure upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa loob ng pasilidad.

“Sa ngayon, naka-medical quarantine siya katulad ng lahat na ordinaryong PDL na dinadala sa atin, hindi muna hinahalo sa ibang populasyon.”

“Meron tayong ibang facilities na pinagdadalhan ng mga dayuhan kaya nga lang, itong jurisdiction niya is Taguig City, kaya sumunod lang tayo sa court order na sa Taguig City Jail siya dalahin,” pahayag ni JSupt. Jayrex Bustinera, Spokesperson, BJMP.

Tiniyak naman ng BJMP na walang VIP treatment na ibinibigay sa kahit na sinuman at pantay-pantay ang pagtrato sa lahat ng nakakulong.

“We treat everyone equally, walang VIP treatment. For the cases of foreign PDL, ang additional lamang na protocol is coordination with the embassy, of course ‘yung access sa mga diplomatic personnel natin na kung saan concerning ‘yung kaniyang citizenship,” dagdag ni Bustinera.

Samantala, ayon sa BJMP, hindi pa maaaring i-deport si Zdorovetskiy hangga’t hindi natatapos ang kaniyang kasong kriminal sa RTC Taguig City.

Patuloy naman ang koordinasyon ng BJMP sa BI kaugnay ng posibleng deportasyon ng banyaga, ngunit ito ay nakadepende sa magiging resolusyon ng korte.

“Sa parte ng BJMP, kailangan munang matapos ang kanyang criminal case sa RTC Taguig City bago maproseso ang kanyang deportation kung ito ay lalabas. Of course tuloy-tuloy naman ang coordination namin with the Bureau of Immigration para sa proseso nito, again subject to the completion of his criminal case,” aniya.

Si Zdorovetskiy ay kilalang online personality at ilang beses nang nasangkot sa kontrobersiya dahil sa mga prank video at viral content na kinukwestiyon sa aspeto ng legalidad at etika.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter