PAGKUHA ng passport, pag-aplay ng driver’s license, transaksiyon sa mga financial institution o sa mga pera padala.
Ilan lang ito sa mga pinaggagamitan ng national ID – isang valid proof of identity ng isang indibidwal.
Sa isang public briefing nitong Biyernes, sinabi ni Philippine Statistics Authority (PSA) PhilSys Registry Office Deputy National Statistician Fred Sollesta na malawak na ang saklaw ng paggamit ng National ID.
Base sa datos ng PSA, nasa halos 88 milyong mga Pilipino na ang nakarehistro sa Philippine Identification System (PhilSys), kung saan malapit na aniya ito sa 92 million na target sa katapusan ng 2024.
Kaya naman, patuloy na hinihikayat ng PSA ang mga mamamayan na magparehistro upang maranasan din ang mga benepisyong hatid ng pagkakaroon ng national ID.
Samantala, inilahad ni Sollesta na nasa 51.5 million na physical card ang nailabas o nai-deliver na sa mga rehistradong indibidwal.
35 milyon naman na ePhilID ang nagawa na’t naipamahagi ng PSA.
Ang ePhilID ay ang digital na bersiyon ng PhilID na naka-print sa isang piraso ng papel.
Ito’y nagsisilbi bilang isa sa mga proactive na estratehiya ng PSA, na magbibigay-daan sa mas maraming Pilipino na agad na tamasahin ang mga benepisyo ng pagiging PhilSys-registered.
Gayunpaman, inihayag ng PSA na lahat ng mga mamamayan na nagrehistro sa national ID ay makatatanggap talaga ng physical card.