Samahan ng tsuper at operator ng tricycle sa LTO: Magiging masalimuot ang proseso kung sa mga barangay ipamamahagi ang plaka ng motorsiklo

Samahan ng tsuper at operator ng tricycle sa LTO: Magiging masalimuot ang proseso kung sa mga barangay ipamamahagi ang plaka ng motorsiklo

UMAPELA ang samahan ng tsuper at operator ng tricycle sa Land Transportation Office (LTO) na idaan ang ipamamahaging plaka sa pamamagitan ng mga dealer ng motorsiklo.

Mahigit limang taon nang tricycle driver si Kuya Freddy sa Guadalupe Nuevo sa Makati City.

P600 lang kada araw ang nauuwi niyang kita sa pamamasada – babawasan pa ito ng pambayad niya ng boundary o renta sa tricycle, pagkain at iba pang gastusin sa bahay.

Natatakot siya sa planong panghuhuli ng LTO sa buwan ng Hulyo sa mga tsuper at operator ng tricycle na may temporaryong plaka

Unang puntirya ng LTO ay sa Quezon City, ngunit pangamba ni Freddy na baka palawakin ito sa iba pang lungsod sa Metro Manila.

“Ganon talaga ang mangyayari sa aming mga drayber pagdating sa hulihan. Kaunti na nga kinikita mo tapos ganon ‘yung plaka naman namin ay hindi pa naibibigay ay malaking abala rin ‘yun sa amin,” ayon kay Freddy, tricycle driver.

Si Kuya Jords na ang minamanehong tricycle ay ilang taon na rin ay temporary plate pa rin.

Kaya, panawagan niya sa LTO.

“Dapat kumpleto ‘yung plaka, ibigay na para hindi mahuli,” wika ni Jords, tricycle driver.

Maging ang National Confederation of Tricycle and Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) ay hindi rin sang-ayon sa gagawing hakbang ng LTO.

Sabi ni Ariel Lim, Presidente ng grupo, na problema mismo ng gobyernong ito ang kawalan ng plate number ng mga tricycle.

“Gaya ng sinasabi ko na kasalanan nila ‘yan kung bakit nagkaroon kami ng walang plaka dahil din ‘yan sa LTO. So, sa akin lang tiyakin muna na talagang huhulihin sila ay nandiyan lahat ng plaka,” saad ni Ariel Lim, President, NACTODAP.

Sa Quezon City pa nga lang umano ay aabot na sa 30,000 hanggang 40,000 tricycle ang walang plaka dahil sa kakulangan ng suplay ng LTO.

Mas dapat aniyang kausapin ng LTO ang mga dealer ng mga tricycle at sa kanila mismo ibigay ang plaka.

Maling-mali aniya na ipamahagi ito sa barangay na wala namang alam kung sinu-sinong drayber ang may temporary plate.

“Mas nakakaalam ‘yung mga motorcycle dealer kung sinu-sino ‘yung customers nila na hanggang ngayon ay wala pang plaka since nagkaroon ng problema sa pag-iisyu ng plaka especially sa tricycle,” dagdag ni Lim.

Kinuwesyon din ng NACTODAP ang pahayag ng LTO na magiging illegal o kolorum na ang mga mahuhuling tricycle sa Hulyo.

Giit ni Lim, paano naging kolorum ang tricycle na may ilang taon pang prangkisa.

Pero, nanindigan ang LTO na nakahanda na silang manghuli sa unang araw ng Hulyo.

Naresolba na umano kasi nila 3,000 backlog ng license plates sa Quezon City noong nakaraang buwan matapos ang ceremonial distribution sa Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODAs).

Ang hakbang na ito ng ahensiya ay alinsunod umano sa utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista.

Panawagan ng LTO sa mga car dealer na huwag ng patagalin at ipamahagi na ang mga plaka sa kanilang mga kliyente.

“Umaapela po tayo sa mga car dealership na i-distribute na ang mga plaka sa kani-kanilang kliyente in the soonest possible time dahil wala na pong backlog ng mga plaka sa four-wheel vehicles,” ani Asec. Vigor Mendoza Chief, LTO.

Target din na gawing nationwide ang ‘No Plate, no Travel’ policy ng LTO.

“What is certain is that the ‘No Plate, no Travel’ policy will be implemented soon. Huwag na po nating hayaan na maabutan pa tayo nito dahil may karampatang penalty laban sa mga mahuhuling lalabag nito,” ayon pa kay Mendoza.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble