Sangguniang Panlungsod Building ng Davao City, mas makabago at moderno na

Sangguniang Panlungsod Building ng Davao City, mas makabago at moderno na

UPANG ipakita ang dedikasyoon ng Davao City tungo sa progreso at ang kanilang pangako para sa epektibo at mabisang pamamahala, ibinida ng City Council ng Davao ang isang makabago at modernong Sangguniang Panlungsod Building.

Lumang-luma na ang itsura nito noon dahil tatlong dekada na rin ang binibilang mula nang ito’y maitayo noong 1995.

Pero matapos ang ilang taon, makabago at moderno na ito.

Nitong araw ng Martes, ipinakita sa media ang renovated na Sangguniang Panlungsod Building mula sa lobby, gallery of legislators hanggang sa conference room.

“Ang building na ito ay itinayo noong 1995. At sa loob ng 29 na taon, hindi talaga ito na-renovate. Marahil ay sa pintura lang. Pero ang design, galing pa noong 1990’s. Kaya matapos ang 29 taon, desidido na rin tayong gawin ang renovation,” pahayag ni Vice Mayor Melchor Quitain Jr., Davao City.

Sa bagong renovated na session hall ng Sangguniang Panlungsod ng Davao City, makikita ang iba’t ibang textile mula sa 11 tribo ng Mindanao. Ayon kay Vice Mayor Melchor Quitain Jr. isa lang ang ibig sabihin nito na dito sa Davao City lahat ay pakikinggan at bibigyan ng boses.

“The main thrust of the mayor is nobody gets left behind. Whatever religion, race, creed, from all walks of life, we are all equal here. We are all treated equally,” saad ni Quitain.

Maliban sa mga telang nagmula sa 11 tribo ng Mindanao, kabilang din sa mga pagbabago sa session hall ay ang pagkakaroon ng LED wall, sound system, mga bagong upuan, air conditioning units, at iba pa.

Sa susunod na linggo, magagamit na ang renovated session hall ayon kay Vice Mayor Quitain.

Inihahanda na rin ito para sa gaganaping state of the city address ni Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte.

Sa darating naman na Oktubre, inaasahang magagamit na ng mga konsehal ang iPads para sa kanilang mga legislative activity na nakalinya sa digitalization campaign ni Mayor Duterte at sa layong magkaroon ng paperless session.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble