Sapat na pagkain, maayos na tirahan para sa mga biktima ng lindol sa Abra at ilan pang lugar, tiniyak ni Pang. Marcos

Sapat na pagkain, maayos na tirahan para sa mga biktima ng lindol sa Abra at ilan pang lugar, tiniyak ni Pang. Marcos

MAHIGPIT na minomonitor ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang sitwasyon sa mga lugar na tinamaan ng lindol partikular sa Abra.

Kasabay nito, sinigurado ng Punong Ehekutibo na mayroong sapat na pagkain at maayos na matitirhan ang mga naapektuhan ng lindol.

“So now we have sent ang hinihingi ng karamihan ay tent and the reason why ayaw nila natatakot silang bumalik sa bahay nila baka mag aftershock  tapos mahina na yung bahay baka masaktan sila. So we’re all monitoring… we dont have the critical problem when it comes to food and shelter. That is the most important part of the relief that we have provided now for the people affected by the earthquake,” pahayag ni PBBM.

Inihayag din ni Pangulong Marcos na mananatili ring walang pasok sa mga eskwelahan para matiyak ang structural integrity ng school buildings maging ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Iniulat naman ng Pangulo na naibalik na ang suplay ng elektrisidad sa Ilocos Norte at Ilocos Sur.

“The other concern right now is to make sure that power has come back.  In Ilocos Norte the power has come back, Ilocos Sur the power has come back. I am waiting for the report from Abra but I think parts, the last I heard, the parts of Abra province already have power restored,” dagdag pa ng Pangulo.

Kaugnay rito, patuloy ang pakikipag-koordinasyon ni Pangulong Marcos sa ilang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng nangyaring lindol sa Abra nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Pangulong Marcos, nakikipag-ugnayan siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pag-inspeksyon ng mga kalsada at mga gusali, pati na rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa relief operation sa apektadong lugar.

Bukod dito, may koordinasyon na rin ang Punong Ehekutibo sa Department of Energy (DOE) para sa power outages at sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para naman sa monitoring sa sitwasyon sa lugar.

Ang naturang mga hakbang ay sa gitna ng nangyayaring aftershocks na dala ng magnitude 6.4 earthquake na tumama sa Abra.

Samantala pinayuhan naman ni Pangulong Marcos ang lahat na umiwas sa matataas na istruktura.

 

Follow SMNI News on Twitter