VP Sara, Pulong, Leonen nagpahayag ng reaksiyon sa SC ruling sa kaso ni FPRRD

VP Sara, Pulong, Leonen nagpahayag ng reaksiyon sa SC ruling sa kaso ni FPRRD

Nagpahayag ng kani-kanilang reaksiyon sina Vice President Sara Duterte, Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, at Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen sa SC ruling na nagbasura sa mga petisyon para sa writ of habeas corpus kaugnay ng pagkakakulong ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Iginiit ni VP Sara na walang dayuhang bansa o korte ang dapat mangibabaw sa kapangyarihan at soberanya ng Pilipinas.

Aniya, dapat unahin ng pamahalaan ang pagprotekta sa buhay, kalayaan, at karapatan ng bawat Pilipino.

Dagdag nito, hindi dapat basta ibasura ng mga korte ang isang petisyon bilang moot o wala nang saysay, lalo na kung may kinalaman ito sa soberanya ng bansa at karapatan ng isang mamamayan.

Binigyang-diin din ni VP Sara na tungkulin ng pamahalaan na protektahan ang bawat Pilipino laban sa pakikialam ng mga dayuhang bansa.

 

Rep. Pulong Duterte: Malinaw ang mga paglabag sa pagdakip at pagdadala sa kaniyang ama sa ICC

Ikinalungkot ni Davao City Congressman Paolo “Pulong” Duterte ang desisyon ng Supreme Court na ibinasura ang petitions para sa writ of habeas corpus ng kanyang ama.

Ayon kay Cong. Pulong, seryosong usapin ang ruling pagdating sa soberanya, accountability at pagprotekta sa karapatan ng bawat Pilipino, at iginiit na walang dayuhang korte o bansa ang dapat mangibabaw sa soberanya ng Pilipinas.

Gayunman, sinabi niyang tinatanggap nila ang desisyon ng Supreme Court, bagama’t hindi ito ang kanilang inaasahan, dahil naniniwala silang malinaw ang mga paglabag sa pagdakip at pagdadala sa kanyang ama sa ICC.

Giit ni Cong. Pulong, masakit para sa pamilya at sa mga tagasuporta ng dating pangulo na hindi man lang natukoy kung legal o ilegal ang pagdakip dito, matapos ang mahigit isang taong paghihintay.

Kinuwestiyon din niya kung bakit dinadala sa dayuhang korte si Duterte gayong ang polisiya ng bansa ay tulungan ang mga Pilipinong nakakulong sa ibang bansa na makauwi sa Pilipinas.

Umaasa si Cong. Pulong na wala nang ibang Pilipino o pamilya ang makaranas ng kaparehong sitwasyon, at manatiling mapagkakatiwalaan ang mga korte at batas ng bansa sa pagprotekta sa karapatan ng mamamayan.

 

Justice Leonen, sumang-ayon sa pagbasura sa petitions sa pag-aresto kay FPRRD pero iginiit na dapat naglabas ng hatol ang SC sa legalidad nito

Sang-ayon si Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen sa pagbasura sa mga petisyon na humahamon sa pag-aresto at paglipat kay dating Pangulong Duterte sa ICC.

Gayunman, sa kaniyang 58 pahinang dissenting opinion, iginiit ni Leonen na dapat rin sanang nilinaw ng Kataas-taasang hukuman kung naaayon sa Konstitusyon ang paraan ng pag-aresto at pagsuko kay FPRRD sa ICC.

Ayon sa mahistrado, dapat muna sanang nailapat ang judicial review sa Pilipinas upang masuri ang legalidad ng pag-aresto at matiyak na nasunod ang mga karapatan ng dating pangulo.

Babala ni Leonen, posibleng maulit ang kaparehong sitwasyon sa ibang indibidwal kung hindi maglalabas ng malinaw na guidelines ang Korte Suprema. Apat na mahistrado rin ang tumutol sa pagbasura sa petitions at iginiit na dapat pagpasyaan ang legalidad ng pag-aresto at paglipat kay dating Pangulong Duterte sa ICC.

Follow SMNI NEWS in Twitter