AirAsia, nahaharap sa bantang welga matapos umanong tanggalin ang 90 piloto

AirAsia, nahaharap sa bantang welga matapos umanong tanggalin ang 90 piloto

Nahaharap sa banta ng welga ang airline company na AirAsia matapos umanong tanggalin ang nasa 90 piloto nito, sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong kapaskuhan.

Naghain ngayong Huwebes ng notice of strike sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang unyon ng mga piloto ng kompanya.

Kasunod ito ng umano’y planong pagtanggal sa trabaho ng nasa 90 piloto, kabilang ang mga kapitan at first officer.

“So merong— may sinasabi na merong 90 piloto na tinanggal ang AirAsia management kung— kung kaya sila maging strike. So pipilitin natin pagharapin sila bukas, sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Sec. Francis Tolentino, DOLE Secretary.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, nagsimula ang usapin kaugnay ng pagkilala sa unyon ng mga piloto noong Setyembre 2026.

Noong Setyembre 4, naghain ang grupo ng petisyon para sa certification election o botohan upang mapili ng mga piloto ang kanilang kinatawan sa pakikipagnegosasyon sa pamunuan ng kompanya.

Inaprubahan ng DOLE ang petisyon noong Nobyembre 19.

Makalipas ang ilang araw, inanunsiyo umano ng AirAsia ang planong pagbabawas ng mga empleyado, kabilang ang nasa 90 piloto.

Dahil dito, naghain ng notice of strike ang unyon.

Bilang tugon, bumuo na ang DOLE ng task force na tututok sa sigalot at magsisikap na mapagharap ang pamunuan ng kompanya at ang unyon.

“So ito ‘yong, uh, hinahalungkat ko, ‘yong mga dokumento, at nag-create na kami ng isang task force para tutukan ito. At bukas nga, pipilitin na magkaharap ‘yong mga— ‘yong dalawang panig,” aniya.

Personal ding tututukan ni Tolentino ang usapin dahil bukod sa kabuhayan ng mga piloto, posibleng maapektuhan din ang biyahe ng mga pasahero kapag lumala ang sigalot.

Partikular na ang mga nakatakdang bumiyahe patungong Visayas, Mindanao at ibang bansa ngayong holiday season.

“Personal kong tututukan ito para ‘yong mga magbabyahe sa— sa Mindanao, sa Visayas, ay hindi maantala ‘yong kanilang paglalakbay,” aniya.

Sa ngayon, wala pang inilalatag na agarang ayuda ang DOLE para sa mga apektadong piloto dahil pinag-aaralan pa ng kagawaran ang kanilang sitwasyon.

Mas prayoridad aniya ng DOLE na maresolba agad ang sigalot upang makabalik sa trabaho ang mga piloto.

“Ang kailangan dito, makalipad ulit,” aniya.

Bukod sa AirAsia, kinumpirma rin ni Tolentino na tinututukan ng DOLE ang nagaganap na welga sa Coca-Cola sa Parañaque at ang nakaambang welga sa University of Asia and the Pacific.

Standupper Extro:

Target ng Department of Labor and Employment na mapagharap ngayong Biyernes ang pamunuan at unyon ng AirAsia upang mapabilis ang pagresolba sa sigalot.

Follow SMNI NEWS in Twitter