Sec. Abalos, inulan ng batikos sa reward money laban kay Pastor ACQ; Pabuya, kaduda-duda─Political Commentator

Sec. Abalos, inulan ng batikos sa reward money laban kay Pastor ACQ; Pabuya, kaduda-duda─Political Commentator

INANUNSIYO araw ng Lunes, Hulyo 8 ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. ang reward money laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy at limang iba pa na kapwa akusado nito.

Ang naturang anunsiyo ay inulan ng batikos at katanungan at kabilang sa nagbigay ng kaniyang pananaw ang political commentator na si Jay Sonza.

Ani Sonza, kaduda-duda ang paglalabas ng P10-M reward money laban kay Pastor Apollo.

Aniya, bakit maglalabas ng pabuya gayong hindi pa naman nasisimulan sa korte ang pagdinig sa mga dati nang na-dismiss at binuhay lang na mga akusasyong laban sa butihing pastor.

Sa pulong balitaan ni Abalos, bigo nitong isiwalat kung saan galing ang pondo para sa pabuya.

Ang tanging sinabi lang nito ay galing umano sa pribadong indibidwal na nais tumulong sa pagdakip kay Pastor Apollo.

Para naman sa abogadong si Atty. Ferdinand Topacio, maraming katanungan sa naturang pabuya.

Una rito ay kung sinu-sino ang mga taong nagbigay ng pabuya.

Pangalawa, ano ang motibasyon ng nasa likod ng napakalaking pabuya.

Pangatlo, dapat aniyang malaman kung may paglabag ang pagtanggap ng DILG ng donasyon mula sa pribadong indibidwal para ibigay bilang pabuya.

Dagdag pa ni Topacio, tila labis ang P10-M pabuya laban sa butihing pastor kung ikukumpara sa pabuya ng pamahalaan sa ilang kriminal na indibidwal at teroristang koministang grupo na nais pabagsakin ang gobyerno.

Tingin naman ni Sonza, ginagamit lang ni Abalos si Pastor Apollo sa kaniyang planong pagtakbo diumano sa pagkasenador sa 2025 midterm elections.

Sa halip naman aniya na pagtuunan nito ng pansin si Pastor Apollo, ay dapat ipaliwanag ni Abalos ang nasabat na shabu sa Alitagtag, Batangas.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble