PINURI ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., bilang batas sa P5.768 trilyong General Appropriations Act (GAA) para sa Fiscal Year 2024.
Ayon kay Pangandaman, tunay na isang napapanahong regalo para sa mamamayang Pilipino ang paglagda sa pambansang pondo.
Ito aniya ay isang kapansin-pansing batas na nagmamarka aniya ng isang ‘significant point’ sa patuloy na pagsisikap ng gobyerno na pasiglahin ang matatag na paglago at pagbangon ng ekonomiya.
Muli namang binigyang-diin ng budget secretary ang tungkulin ng DBM sa pagbuo at pagpapatupad ng pambansang pondo.
Tiniyak ni Pangandaman na nananatiling nakatuon ang ahensiya sa maingat na pamamahala sa pananalapi.
Dagdag pa ng Kalihim, siniguro rin ng ahensiya ang maingat na paglalaan ng mga mapagkukunan, sa hangarin na ipagpatuloy ang pagsulong ng kapakanan ng sambayanang Pilipino at ang pangkalahatang pagpapabuti ng bansa.
Lubos naman na naniniwala ang DBM chief na ang 2024 General Appropriations Act ay magpapadali sa katuparan ng 2022-2028 Medium-Term Fiscal Framework (MTFF) ng administrasyon at ang 8-Point Socioeconomic Agenda.