Seguridad para sa Palarong Pambansa 2025 sa Ilocos Norte tiniyak ng kapulisan

Seguridad para sa Palarong Pambansa 2025 sa Ilocos Norte tiniyak ng kapulisan

ABALA na ang Philippine National Police (PNP) sa paghahanda para sa nalalapit na pagbubukas ng Palarong Pambansa 2025 na gaganapin sa Ilocos Norte simula Mayo 24.

Nitong Mayo 20, kinumpirma ni Police Brigadier General Lou Frias Evangelista, Regional Director ng Police Regional Office 1, na nakalatag na ang kanilang mga operational plan para sa ligtas at maayos na pagdaraos ng Palarong Pambansa.

Ayon kay Evangelista, may mga isinagawa ng serye ng pagpupulong ang mga opisyal sa lalawigan, sa pangunguna ni Provincial Director Col. Frederick Obar, upang plantsahin ang lahat ng detalye ng seguridad para sa nasabing aktibidad.

“As I’ve heard from my Provincial Director there, Col. Frederick Obar, they’ve already conducted a series of meetings relative to this event. Malaking event ito—Palarong Pambansa. It covers the whole nation,” wika ni PBGen. Lou Frias Evangelista, Regional Director, PRO-1.

Ipinunto rin ni Evangelista ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Aniya, mahalaga ang masinsinang pakikipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan na nagsisilbing pangunahing katuwang ng PNP sa lokal na pag-oorganisa ng naturang malaking aktibidad.

Dagdag pa niya, may malinaw at detalyadong plano na ang PNP para sa kabuuang seguridad ng lahat ng aktibidad kaugnay ng Palarong Pambansa.

At para palakasin ang presensiya ng kapulisan, magmumula ang karagdagang mga personnel sa Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.

Ipakakalat ang mga ito sa mga pangunahing lugar gaya ng sports venues, billeting quarters ng mga atleta, at mga transport terminal upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang banta sa seguridad.

“We’re gathering personnel from neighboring provinces to help secure facilities and protect our delegates coming from all over the country,” saad ni PBGen. Lou Frias Evangelista, Regional Director, PRO-1.

Ang Palarong Pambansa 2025 ay isang makasaysayang okasyon para sa Ilocos Norte, dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na gaganap ito bilang host ng isang linggong selebrasyon ng athletic excellence, youth sportsmanship, at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble