KASABAY ng pagsisimula ng campaign period ngayong araw, nagpaalala rin ang Philippine National Police (PNP) sa mga politiko na maging responsable sa mga ipinagbabawal ng Commission on Elections (COMELEC) upang hindi maging sanhi ng paglabag.
Ilan sa mahigpit na ipinapaalala ng PNP batay sa COMELEC Resolution 10732 ng National COMELEC Campaign Committee ang bawal ang house to house, bawal ang handshake, bawal ang beso-beso, at yakapan.
Ilan lang din ito sa mga babantayan ng kapulisan ngayong simula na ng pangangampanya ng mga politiko.
Kaugnay dito, tiniyak ng PNP na nailatag na nito ang nararapat na seguridad para sa pagsisimula ng campaign period ngayong araw.
“Bago pa man na dumating itong umpisa ng campaign period ay nakipag-ugnayan na po yung ating mga kapulisan mula national down to municipal station doon sa ating mga COMELEC officer at nakalagay very clear doon sa guidelines na inilabas ng COMELEC pursuant doon sa COMELEC Resolution 10732 ay pinaalalahanan ang ating mga kanditato at kani-kanilang mga organizer at support staff na sumunod dito dapat atleast 72 hours prior sa actual conduct ng kanilang mga election campaign activities ay nakahingi na sila ng permit and approval doon sa mga lugar kung saan nila idadaos yung mga campaign sorties,” pahayag ni Atty. Jean Fajardo, spokesperson C,PNP.
May pahayag naman si Fajardo kaugnay sa mga alinmang grupo ng isang politiko sakaling lalabag sa ipinagbabawal sa kampanya.
“Hanggat maaari ayaw sana natin mangyari yun baka pagsimulan pa nga ng gulo kaya nga patuloy ang pag-apela ng PNP na lalong-lalo na dun sa mga kandidato at sa kanilang mga campaign support staff na sumunod. Ngayon kung inspite of our repeated reminders, inspite of our close coordination doon sa kanilang mga supporters na dadatnan doon sa kanilang mga lugar na pagdarausan ay mapipilitan ang PNP na ipatupad kung ano ang mandato nila,” ayon kay Fajardo.
Samantala, tiniyak rin ni PNP chief Police General Dionardo Carlos, na magiging maingat aniya ang PNP sa pagbibigay ng security detail upang matiyak na magiging “apolitical” ang kanilang organisasyon.
“Kaya kami doon yung ingat kami dun sa pagbibigay ng police security detail but it is a package a security package after the activity we dettached immediate the policemen task to secure them unlike yung nagiging police security detail stays with them 24/7 kaya maingat kami doon sa security detail,” pahayag ni Carlos.
Pero paglilinaw ng PNP, sakali namang mapatunayang kailangan ng isang politiko ang dagdag na seguridad sa kanilang pangangampanya, nasa COMELEC ang desisyon dito.
Samantala, pinaalalahanan din ni Carlos ang lahat ng police commanders at kanilang mga tauhan na sumunod sa panuntunan ng COMELEC.
Paunang hakbang pa lang ang ginawang paglipat ng pwesto ng ilang tauhan na may kamag-anak na kandidato sa halalan o malapit sa mga kandidato.