NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang National Task Force sa usapin ng maling pagtatapon ng COVID-19 waste sa mga pampublikong lugar.
Kasunod ito sa nangyaring kontrobersyal na COVID-19 waste na nakatambak umano sa isang dalampasigan sa Virac, Catanduanes.
Kung saan, halos 4 na mga bata mula sa naturang lugar ang nahawaan ng COVID-19 matapos itong paglaruan.
Kayat, ikinababahala ito NTF Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon, aniya importante na dapat maimbestigahan at matingnan kung ano nangyari sa Catanduanes.
Dagdag pa ng kalihim, maliban sa Catanduanes kailangan matingnan din ang ang mga vaccination site lalo na sa ginagamit syringes sa mga rural area.
Dahil rito, magtutulungan ang mga ahensya ng gobyerno upang imbestigahan ang naturang isyu, at kailangan aniya managot ang dapat na managot.
“Kailangan talaga mabantayan natin kung papaano paano ang pagdidispose nito. So, makikipag-ugnayan kami sa DILG at DENR at sa mga LGU para talagang matutukan at tama talaga ang pagdi-dispose ng waste,” pahayag ni Dizon.
Ani Dizon, hindi lamang rural areas ang kanilang tutukan, pati na rin ang Metro Manila na isa sa may pinakamaraming lugar at vaccination sites.
Nanawagan din si Sec. Dizon sa publiko lalo na sa mga pagamutan na maging responsable sa pagtatapon ng hazardous waste.
“May protocols tayo diyan sa kanilang, bago sila makalisensya para maging laboratoryo, kailangan may susundan sila na very strict na protocols sa disposal ng waste at kailangan ma-enforce yan. Ang sabi ng DOH, iimbestigahan nila yung nangyari sa Catanduanes at titingnan din yung ibang laboratoryo kung tama yung pagdispose,” ani Dizon.
Sa panig naman ng DENR, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Lokal na pamahalaan upang maipatupad ang tamang pagtatapon ng mga hazardous waste hindi lamang sa mga pagamutan lalong lalo na sa mga household.
BASAHIN: DENR, pinaalalahanan ang publiko na itapon nang wasto ang COVID-19 wastes