Sen. Alan Cayetano ibinulgar ang posibleng sindikato na nasa likod ng illegal re-alignment ng bilyun-bilyong pisong pondo ng DPWH

Sen. Alan Cayetano ibinulgar ang posibleng sindikato na nasa likod ng illegal re-alignment ng bilyun-bilyong pisong pondo ng DPWH

HINILING ni Senator Alan Peter Cayetano sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) noong Miyerkules na imbestigahan ang posibilidad na may sindikatong nasa likod ng iligal re-alignment ng bilyun-bilyong pondo sa panukalang 2023 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Dati may pondo na nilalagay sa isang departamento, lugar, city, municipality or province sa congressional district pero sinasabi na mayroong may-ari nun kaya sabi ni Sen. Lacson noong 2019 budget, “parking” yun. Since then may reforms na ginawa para di mangyari ito pero since then it seems it’s back with a vengeance dahil marami ang nagsumbong sa akin na bago ang ginawang style ngayon,” ani Sen. Alan Cayetano.

Ayon kay Cayetano, ang “parking” ng mga pondo ay dating ginagawa sa bicameral level at kadalasan ay sa maliitang halaga lang, ngunit ngayon bilyun-bilyong piso na ang ginagalaw at mas naging laganap pa aniya ito.

Binansagan ni Cayetano ang gawaing ito na “expanded fund parking scheme,” kung saan sadyang babawasan ang badyet ng mga congressional district tsaka iaareglo ang pagbabalik ng naturang pondo kapalit ng pagbibigay ng proyekto sa mga piling contractor.

“Ang ginagawa dito na style ay maraming mga distrito ang tinaggalan … tinaggalan ng percent… million.. tapos may bumabalik sa kanila, ibabalik namin ang pondo pero may kontratista ng kasama,” dagdag pa ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na binawasan sa di-malamang dahilan ang pondo ng ilang mga distrito sa 2023 National Expenditure Program (NEP), kung saan naglalaro ang kabawasan mula 21.41 porsyento hanggang 93.12 porsyento.

Dahil dito ay nanawagan siya kay Finance Secretary Benjamin Diokno na imbestigahan ang nasabing isyu upang malaman ang katotohanan sa mga alegasyon na may sindikatong nasa likod ng iligal na “parking” ng mga pondo ng DPWH.

Follow SMNI NEWS in Twitter