Sen. Alan Cayetano sa DFA: Gamitin ang sining at kulturang Pilipino para mapalakas ang impluwensya ng bansa

Sen. Alan Cayetano sa DFA: Gamitin ang sining at kulturang Pilipino para mapalakas ang impluwensya ng bansa

HINIKAYAT ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Martes ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gamitin at paunlarin ang potensiyal ng sining at kulturang Pilipino para mapaigting ang “soft power” ng Pilipinas.

Sa kaniyang interpellation sa isinagawang briefing sa Senado patungkol sa panukalang budget ng DFA para sa susunod na taon, binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Pilipinas ng  “impluwensya” sa mundo ng sining, kultura, at sports.

Ibinigay niyang halimbawa ang maunlad at sikat na kultura at performing arts ng South Korea, na naging dahilan aniya para agad maging isang “soft power” ang nasabing bansa.

Ani Cayetano, pwedeng paglaanan ng budget ng DFA ang pagbubuo ng mga “Filipino town” sa ibang bansa para mas makilala pa ang sining at kulturang Pilipino, tulad ng ginawa ng South Korea.

Dagdag ni Cayetano, malaki ang potensiyal ng simpleng pagpapamalas ng kulturang Pilipino para mapalakas ang impluwensiya ng Pilipinas sa ibang bansa, gaya ng paano naging kaibigan at kaalyado ng Pilipinas ang East Timor matapos ang matagumpay na hosting nito ng Southeast Asian Games noong 2019.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter