Sen. Bato, Lapid naniniwala na terorista ang nasa likod ng pambobomba sa MSU-Marawi

Sen. Bato, Lapid naniniwala na terorista ang nasa likod ng pambobomba sa MSU-Marawi

NANINIWALA si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na terorista ang nasa likod ng pambobomba sa Marawi State University (MSU) kung saan apat ang naitalang nasawi at 50 ang sugatan.

Ayon kay Sen. Bato, na dating PNP chief, nakatitiyak siya na hindi mga Pilipinong Muslim o Kristiyano ang nasa likod ng pag-atake sa MSU habang nagmimisa, kundi ito aniya ay gawa ng mga terorista.

Paliwanag niya na nangingibabaw ang pagmamahalan sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyanong estudyante ng MSU.

Bagama’t wala pang impormasyon ang senador ay umaasa siya na hindi ito nauugnay sa giyera sa pagitan ng Hamas at bansang Israel.

Naniniwala rin si Sen. Lito Lapid na ang karahasan sa Marawi ay gawa ng terorismo.

Kinalampag din ni Lapid ang mga awtoridad na magtulungan para tugisin ang mga nasa likod ng nasabing karumaldumal na karahasan.

Kasabay rito ay umaapela naman ang senador sa mga Muslim at Kristiyano na maging mahinahon at mapayapa upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon.

 

Follow SMNI News on Rumble