TUMANGGAP ng pagkilala bilang “Godfather of the Year” si Sen. Christopher ‘Bong’ Go mula sa Siklab Youth Sports Awards kamakailan dahil sa kaniyang walang sawang suporta at pagsusulong ng Philippine Sports.
Ginanap ang nasabing seremonya sa Market Market Activity Center sa Taguig City.
Ang naturang pagtitipon na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee Media Group ay pagbibigay-pugay sa mga atletang Pinoy na 18 taong gulang pababa mula sa iba’t ibang sports.
Sa kaniyang acceptance speech, inihayag ni Go ang kaniyang patuloy na suporta sa industriya ng pampalakasan.
“Ang ganitong pagkilala po ay hindi lamang para sa akin kundi para sa ating lahat na patuloy na sumusuporta at nagbibigay ambag sa paglago ng palaksan sa Pilipinas,” ayon kay Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go.
Kaugnay rito ay hinikayat ni Go, Chairman ng Senate Committee on Sports ang kabataan na maging aktibo sa sports upang makaiwas sa ipinagbabawal na gamot o droga.
Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan ng pagiging aktibo ng mga kapabataan sa sports ay bababa ang kaso ng krimen sa bansa.
“Kaya umiikot ako sa Pilipinas, inaanyayahan ko ang kabataan to get into sports and stay away from drugs. Pagbumalik ang ilegal na droga, babalik po ang kriminalidad at korapsyon sa gobyerno,” dagdag ni Sen. Bong Go.
Bukod dito ay binanggit din ni Go ang kaniyang mga pagsisikap na itaguyod ang National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Tarlac sa pamamagitan ng Republic Act 11470.
Ang nasabing batas ay nagbigay-daan para sa mga estudyanteng atleta na pagsabayin ang pagsasanay sa sports at pag-aaral.