DUMATING na ang ika-9 na batch na returning overseas Filipino workers (OFW) mula Israel na binubuo ng 42 OFWs at 5 bata araw ng Huwebes, Nobyembre 23.
Bago mag 3:00, Huwebes ng hapon lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang eroplano kung saan sakay ang 47 indibidwal na Pinoy repatriates mula Israel.
Personal na sinalubong ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac at ni Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo Jose de Vega at iba pang opisyal sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Department of Health (DOH).
Ayon DMW, binubuo ng 42 ang mga naturang Returning OFW, at 5 minors.
Sa bilang na ito 30 ay hotel workers habang 12 ay caregivers.
Kabilang si Joselito na 18 taon nang caregiver sa Israel at 18 taon din na hindi pa nakakauwi ng bansa.
Umuwi siya dahil namatay ang kaniyang inaalagaang amo sa kasagsagan ng giyera sa pagitan ng Israel at grupong Hamas pero hindi maikakaila na ang nangyaring giyera ay nagdulot din ng trauma sa kaniya.
14 years naman na caregiver si Vilma at 8 taon na rin siyang hindi nakakauwi ng bansa.
Masaya siya dahil nagkataon na magpapasko na siyang nakauwi sa Pilipinas.
Ayon sa DMW as of November 23, nasa kabuuang 299 na OFW ang napauwi na ng gobyerno ng Pilipinas mula Israel.
Inihayag naman ni Usec. Eduardo de Vega ng DFA na tuluy-tuloy rin ang ginagawang pagsisikap ng pamahalaan na makauwi ang mga Pilipino mula sa mga bansang apektado ng giyera.
Samantala, para kay Sen. Christopher ‘Bong’ Go bukas ang kaniyang tanggapan na humihingi ng tulong sa mga kababayan nating apektado ng Israel-Hamas War.
Matatandaan isa si Sen. Bong Go sa nagtulak na maipasa ang bagong departamento para sa mga OFW na ngayon ay DMW.
Bukod sa mga OFW galing Israel, may lima na rin ang dumating sa bansa galing Gaza sa NAIA Terminal-3, araw ng Huwebes.